Publiko binalaan sa pekeng P500 bill

NAGBABALA ngayon ang awtoridad sa publiko kaugnay sa paglaganap ng pekeng P500 bill ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan.

Ang babala ay inilabas ni Pasay City Police Chief Senior Supt. Napoleon Cuaton makaraang masakote ang isang hinihinalang miyembro ng sindikato na nagpapalaganap ng huwad na salapi sa isang mall sa Pasay City.

Kinilala ni PO2 Ferdinand Lee ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay City Police aabot sa P11,500  23 piraso ng pekeng P500 bill ang nakumpiska mula sa isang lalaki na napagkamalang shoplifter na si Sabiden Ledasan, 27, tubong Mindanao at residente ng Tawi-tawi st. Maharlika Village, Taguig City.

Batay sa ulat ni Lee, naaresto si Ledasan ganap na alas-4:30 Sabado ng hapon, Setyembre 3, sa loob ng Pasay City Mall na matatagpuan sa kahabaan ng Taft Avenue sa lungsod.

Kahinahinala umano ang ikinikilos ni Lesadan habang nasa loob ng establishimento dahilan upang dalhin siya ng naka-duty na security guard sa himpilan ng pulisya.

Pagdating sa presinto, inatasan si Lesadan na ilabas ang lahat ng laman ng kaniyang bulsa ngunit tumanggi ito, dahilan upang sapilitang kapkapan ito ng mga pulis.

Nakuha mula sa suspect ang may 23 piraso ng P500 bills na magkakapareho ang serial number na nagkakahalaga ng P11,500.

Sa kasalukuyan iniimbestigahan ang suspek upang alamain kung saan nagmula ang counterfeit money na posibleng ipinalalaganap ng sindikato sa Metro Manila.

Ang suspect ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code Illegal Possession and Use of False Bank Notes. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply