Pumatay sa radio blocktimer sa Iloilo kilala na

KILALA na ng pulisya ang dalawang lalaking bumaril kay Iloilo-based radio blocktimer na si Niel “Lito” Jimena noong Agosto 22 sa EB Magalona, Negros Occidental.

Pero tumanggi munang banggitin ni S/Supt. Allan Guisihan, provincial police director ng Negros Occidental ang pangalan ng mga suspek alinsunod sa pagsasampa ng kasong murder laban sa kanila at sa pagkasa ng follow-up operation sa mga salarin.

Nakilala aniya ang mga salarin sa pamamagitan ng testigo na siyang tumutulong sa Task Force Jimena na kanyang pinamumunuan upang mapabilis ang pagresolba ng kaso.

Tumanggi rin nitong sabihin ang motibo sa pagpatay ngunit dalawang anggulo ang kanilang sinusundan at ang isa ay may kaugnayan sa trabaho ng biktima bilang radio blocktimer at ang pagiging agent nito noon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Unang pinagbintangan ang alkalde ng Iloilo City na nasa likod umano ng pagpapatay sa biktima dahil ito ang tinatamaan ni Jimena sa kanyang radio blocktime program sa Iloilo City ngunit mariin itong itinanggi ng alkalde.

Nasa P600,000 ang inilaang pabuya para sa ikadarakip ng mga salarin sa naturang krimen kaya malamang na sa lalong madaling panahon ay mahuli na agad ang mga ito.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply