Reporma sa Comelec ‘moro-moro’ lang – A. Cayetano

NANINIWALA ang isang sendor na naging “moro-moro” lamang ang isinagawang paglilinis ni Commission on Election (Comelec) Chairman Sixto Brillantes sa tinagurian nitong “misfits at scalawags” kaya’t naging mas talamak ang korapsiyon sa ahensiya.

Ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, nangako si Brillantes sa mga miyembro ng Commission on Appointments (CA) may dalawang buwan na ang nakaraan na isasakatuparan niya ang reporma sa Comelec.

Gayunman, sinabi ni Cayetano na hindi naman talaga ginawa ni Brillantes ang paglilinis sa poll body bagkus ay lalo pa niyang pinadumi ang kanyang tanggapan dahil sa binigay na promosyon at proteksyon sa mga opisyal na nasangkot sa eskandalo.

“Is this what Chairman Brillantes meant when he said that he will ‘clean up’ Comelec? By sweeping cases under the rug and protecting those behind it?”pagtatanong ng senador.

Aniya, marami na sana ang maniniwala na nilinis talaga ni Brillantes ang Comelec kung hindi lang kumanta si dating Comelec Law Department head Ferdinand Rafanan.

Sa affidavit na inihain ni Rafanan sa CA nitong Miyerkules (Setyembre 14) inungkat nito ang pagburo ng Comelec sa imbestigasyon ng iregularidad sa barangay elections noong Oktubre 25, 2010; ang electoral offense sa Lanao del Sur noong May 2010 elections; ang P 1.2 bilyong Megapacific scam; at ang pagbibigay proteksyon sa mga nasangkot sa P 690 milyong ballot secrecy folder scam.

“I am aghast at knowing that Brillantes even repeatedly resorted to bullying to compel Rafanan to help in the efforts to protect those charged in the folder scam,” ani Cayetano.

Binigyang-diin pa ni Cayetano na dahil sa mga rebelasyon ni Rafanan, lalong tumigas ang kanyang paninindigan para harangin ang kumpirmasyon ng appointment ni Brillantes sa CA bilang Comelec chairman.

Si Sen. Cayetano ay asawa ni Taguig City Mayor Lani Cayetano kung saan may nakabinbin na electoral protest case ang natalong kandidatong si dating Supreme Court(SC) justice Dante Tinga na dating kliyente ni Brillantes.

Tatlong beses nang isinantabi ng CA ang kumpirmasyon ni Brillantes sa Comelec.

Nakatakdang dinggin ng CA ang affidavit ni Rafanan sa linggong ito matapos pabulaanan ni Brillantes ang paratang. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply