Rivera nanggulat sa Carmona

STA.ROSA,  LAGUNA – Isa-isang pinataob ni Estefano Rivera ng Fern-C Racing Team ang kanyang mga katunggali sa nakaraang round 5 ng 2011 Petron Blaze Karting Super Series noong Linggo.

Hindi naging maganda ang simula ng karera para sa 13-anyos na si Rivera nang mamatayan siya ng makina sa kalagitnaan ng qualifying heat kaya naman panghuli siya sa grid pagdating ng Pre-finals kung saan natapos siya sa ika-anim na pwesto.

Umarangkada si Rivera pagdating ng final race kung saan isa-isa niyang nilampasan ang kanyang mga katunggali kabilang na sina Alessandra Madrigal at Oliver Aquino ng Alessandra Racing.

Sa 22nd lap, naging head-to-head ang labanan nila ng defending champ na si Stefano Marcelo ngunit nang makahanap ng butas si Rivera, tuluyan niya nang inabot ang finish line.

Natapos ni Rivera ang 26-lap race ng ROK Overall category sa loob lamang ng 13-minuto at 55.139s, habang si Marcelo ay nahuli lamang ng 0.696s. Pumangatlo si Oliver Aquino habang ang nakatatandang kapatid ni Rivera na si Milo Rivera ay nasa ikaapat na pwesto. Si Franco Reyes ng Industria Racing ang bumuo sa top 5.

Muli na namang nagharap ang koponan ng Fern-C Racing at Industriya Racing sa ROK Juniors ngunit sa pagkakataong ito ay naging mas mahigpit na ang tunggalian dahil sa pagsali ng mga karters mula sa Cebuana Lhuillier-Marcelo Racing. Sa pangalawang pagkakataon, muling nagpakitang-gilas ang nakababatang Rivera nang masungkit nito ang unang pwesto na sinegundahan naman ni Franco Reyes habang inangkin naman ng mga Cebuano karters na sina Jette Calderon, CJ Tsui, at Daniel Miranda ang 3rd, 4th at 5th place.

Samantala, nagmistulang “reunion” naman ang naging karera ng Formula SL Expert class nang magkita-kitang muli sa track ang mga crowd favorites na sina Andres Calma, Bobby Domingo at three-time Karter of the Year (at ngayo’y artista) na si Matteo Guidicelli. Hindi pinalad si Guidicelli na maka-podium finish lamang ngunit ang kasabayan nitong si Calma ay pinalad namang maka-1st place kasunod sina John Castelar at Bobby Domingo na parehong mula sa AUTS Racing.

Ang mga beteranong sina Gonzalo Julian Jr. at Philip Lao ay pinilit namang habulin ang nangungunang si John Effinger sa SQ Expert class ngunit pinatunayan ni Effinger na wala pa rin siyang kupas.

Hindi rin nagpahuli ang mga baguhang karter sa SQ Novice division kung saan si Wilson Patrick Ong ang nakakuha ng titulo laban kina Lachlan Christic at Daniel Castaneda.

Ang 2011 Petron Blaze Karting Super Series ay awtorisado ng Automobile Association Philippines (AAP) at suportado ng Petron Blaze 100, San Miguel Corporation, Aeromed, Denso Iridium Power, Motorstar Eastway at ng Yokohama Philippines.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply