Robredo binira ni Jinggoy sa imported fire trucks

NAKATAKDANG ipatawag ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo hinggil sa fire trucks controversy kung san plano umano ni Robredo na bumili ng mas mahal pero second hand na imported fire trucks bilang panlaban sa mga kalamidad na mararanasan ng bansa.

Binatikos din ni Estrada ang kawalan ng  programa ni Robredo para ihanda ang bansa sa panahon ng biglaang kalamidad gaya ng bagyo, lindol at maging sa oras ng sunog.

Gusto ring malaman ni Estrada kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa bumibili ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng fire trucks na tinawag niyang “frontline of defense” ng mga lokal na pamahalaan sa panahon ng mga kalamidad at sakuna.

“In critical and emergency situations, fire trucks are our first line of defense and they are the ones called to respond and provide help to those who are in need” wika ni Estrada.

“Kaya nagtataka ako kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin bumibili ng fire trucks ang BFP para maibigay na sa mga LGUs” pagpapatuloy niya.

Base sa mga tala, may kakulangang 1,600 na fire trucks ang BFP na dapat ipamahagi sa mga LGUs sa buong bansa para maayos at mabilis silang makaresponde sa oras ng mga pangangailangan.

“Kailangang magpaliwanag si Secretary Robredo kung bakit mas gusto niya ang mas mahal at second hand na firetrucks,” pagdidiin niya.

Ang tinutukoy ni Esrtrada ay ang mga second-hand Rosenbauer fire trucks mula sa Austria na kung kukuwentahin ay nagkakahalaga ng mahigit P20 milyon bawat isa na higit na mataas keysa sa P9 milyon na fire trucks na gawa sa Pinas.

Ibinunyag pa ni Estrada na ilang beses nang ibinasura ng nakaraang administrasyong Arroyo ang panukala na bilhin  ang Rosenbauer fire trucks dahil sa pagiging onerous, pero nakapagtatakang pilit itong isinusulong ni Robredo ngayong panahon ng administrasyong Aquino.

Sa kasalukuyang panukala ay may planong bumili muna ang BFP ng 76 fire trucks sa halagang P1.3 billion hanggang sa umabot sa 1,000 units, para maibigay sa mga LGUs sa buong bansa.

“Maaari ngang ipautang ng Austrian government ang mga fire trucks pero dahil sa utang nga ang mga ito ay siguradong kikita ng interes at sa halip na P17.5 milyon lang ay baka umabot ng mahigit P20 milyon ang kada isa nito” sabi niya.

Hindi pa kasama ang taxes and duties na maaaring umabot sa P185 milyon” dagdag pa ni Estrada.

Sa matagal ng panahon ay ang mga gawang lokal na fire trucks ang ginagamit ng BFP dahil sadyang ginawa para mapunuan ang pangangailangan sa terrain at maging fire conditions sa bansa.

Binatikos din niya si Robredo dahil sa pagbasura nito ng Filipino First na ngabibigay ng proteksyon sa interes ng local manufacturers at mga imbentor na pinaprotektahan din sa konstitusyon.

“Sigurado akong maraming mga manggagawang Pilipino na nasa fire truck industry ang maapektuhan kung matutuloy ang Rosenbauer deal. At maliwanag na kontra ito sa job generation efforts ng pamahalaan” dagdag pa ng senador.

May nakatakdang bidding ang BFP sa September 30 subalit ayon sa mga eksperto ay sinadya ni Robredo ang mga  specifications para sa mga imported na fire trucks at maitsa-puwera ang mga gawang lokal na fire trucks.

Idinagdag pa nila na preparasyon ito para sa aktwal na pagbili ng Austrian fire trucks sa darating na panahon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply