Seguridad sa malls

BIGLANG nabahala ang mga awtoridad sa magkasunod na patayan sa branches ng higanteng SM mall sa Quezon City  at Pampanga.

Tanong nila: paano nakapapasok ang mga baril sa  guwardiyadong mga entrance at exit ng SM malls ni Henry Sy?

Dalawang linggo na ang nakararaan, binaril at napatay ng isang nagmamaktol na maybahay ang asawang nagtatrabaho sa SM North.

Pati guwardiya na nagresponde sa pamamaril ay nadamay nang kanyang agawin ang baril ng babaeng suspek na nagtangkang magpakamatay matapos barilin ang asawa sa harap ng mga shopper.

Disgrasyang sa guwardiya tumama at ikinamatay ang balang gagamitin sanang pagpapakamatay ng babaeng suspek.

At ilang araw ang nakararaan, binaril at napatay naman ng isang 13-anyos na lalaki ang kaibigang 16-anyos sa loob ng SM sa San Fernando, Pampanga.

Sa parehong insidente na ito, ang kumilkil sa isipan ng mga imbestigador ay kung paano naipasok ang mga baril na ginamit sa pamamaril.

‘Di na bago ang ganitong  pangyayari. Napag-uusapan ang seguridad sa pampublikong lugar kapag may nangyayaring patayan.

Ngayon ay sentro na naman ito ng balitaktakan sa hanay ng kapulisan at maging sa mga magagaling na mambabatas sa Kongreso.

Ngunit hanggang kuwentuhan lang naman. Dahil matapos ang ilang linggo at buwan, naglalaho ang usapang seguridad sa malls.

Kumbaga, hanggang porma lang ang mga opisyal ng kapulisan at magigiting na congressmen at senador. Yan ang katotohanan.

Sa pagkakataong ito, sana’y maging totoo na ang mga balakin ng mga may-ari ng mga mall, kapulisan at mambabatas.

Kailangan ay magkaroon ng kongkretong plano na totoong maisakatuparan para maiwasan ang ganitong mga pangyayari.

Dahil kung patuloy na mangyayari ang patayan sa mga mall dahil lamang sa kahinaan ng pagpapairal ng seguridad, darating ang araw na baka ang shoppers ay matakot nang pumasok sa mga establisimyentong ito.

At ngayong si Dir. Gen. Nick Bartolome ang PNP chief, baka sakali magkaroon na ng katuparan sa pagpapairal ng tunay na seguridad sa malls. Pagtutulungan ang kailangan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply