Sentimos na VAT sa toll, pabigat sa Pinoys

WALA nang makapipigil pa sa pagsingil ng 12-percent value-added tax (VAT) sa tollway simula ngayon araw, ayon na rin sa pagtatakda ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sinabi ni BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares na wala nang legal na balakid para hindi ituloy ang kontrobersiyal na dagdag-singil, maliban kung magpapalabas ng panibagong temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court.

“The VAT on tolls is a different issue from toll fare hike. Whether toll will be adjusted or not, VAT will be implemented,” paglilinaw ng opisyal.

Ang karagdagang 12 porsiyentong masisingil sa buwis sa tollway rates ay sisingilin bilang VAT.

Sinabi ni Henares na nasa desisyon ng mga tollway operator kung magtataas sila ng singil para mapunan ang panibagong singil sa buwis ng BIR. Gayunman, nagbabala si Henares sa mga tollway operator na huwag magtataas ng singil na higit sa 12 porsiyento.

Noong July 19, nagpalabas ng desisyon ng SC na maaaring sumingil ng VAT sa tollway. Kasunod nito ang pag-alis ng TRO para bigyan-daan ang pagsingil ng BIR.

Kinontra rin ni Henares ang mga pangamba na dahil sa sisingiling VAT ay tataas ang singil sa pamasahe ng mga pampublikong sasakyan na dumadaan sa tollways at maging ang presyo ng ilang produkto.

Ito ay dahil kung imu-multiply aniya ang 59 kilomentro sa 1.6 sentimos, ang kabuuang pagtaas lang sa singil ay 94.4 sentimos o wala pang P1.

Ngunit para sa mga gipit na mamamayan, sabihin mang sentimos lamang ang mababawas sa kanilang mga bulsa, malaking pasanin pa rin ito lalo at wala namang pagtataas sa sahod ng manggagagawa na sinabayan pa ng mga pagtaas ng pangunahing bilihin sa bansa.

Nakalulungkot lang na sa halip na ikonsidera ng pamahalaan ang kahilingan ng karamihan sa mamamayan na pansamantalang suspendihin ang nasabing usapin, lalo na at kahahampas lamang ng bagyong Pedring, tila pipi’t bingi ang gobyerno na dinggin ito.

Ito ang tamang pagkakataon para patunayan ni Pangulong Aquino ang ipinagmamalaki niyang hindi manhid ang kanyang administrasyon sa kapalaran ng mga mahihirap na Pinoy.

Dahil kung itutuloy ang pagpapataw sa VAT sa toll nang wala sa timing, siguradong delubyo ang mararanasan ng mga mananakay na siyento porsiyentong babalikat nito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply