Shalani ‘engaged’ na sa Pasig solon

NAKUMPIRMA na magka-relasyon na nga sina Pasig Rep. Roman Romulo at Valenzuela Councilor Shalani Soledad.

Ibinunyag ni Agriculture Assistant Secretary Berna Romulo-Puyat, kapatid ni Romulo ang naunang biruan sa plenaryo ng mga kongresista.

Sa panayam sa Kamara de Representantes, sinabi ni Romulo-Puyat, halos araw-araw magkasama ang dalawa.

Si Romulo-Puyat ay dumalo sa deliberasyon ng 2012 proposed national budget sa Kamara kung saan nakasalang na ang badyet ng Department of Agriculture.

Idinagdag nitong niregaluhan ng kanyang kapatid ng isang diyamanteng singsing ang TV host at konsehala.

Subalit hindi makumpirma ni Romulo-Puyat kung ang singsing na ito ay maituturing na engagement ring na.

Sinabi nitong pormal na ring ipinakilala ng kongresista sa kanilang mga magulang at mga miyembro ng pamilya si Shalani sa isang hapunan may dalawang linggo na ang nakararaan.

Botong-boto aniya ang kanilang mga magulang kay Shalani.

Sinabi pa ni Romulo-Puyat na seryoso aniya ang kaniyang kapatid sa panunuyo sa konsehala.

Si Shalani ay dating katipan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply