Si PNP Chief Bartolome at mga iskalawag

BUONG Pinas na ang sakop ni bagong Philippine National Police General Nicanor Bartolome.

May nabitiwan siyang salita ukol sa kanyang availability sa media.

Dahil sa lawak ng sakop ng kanyang responsibilidad, darating ang araw na hindi na siya katulad ng dati.

Hindi na siya katulad ng dati na anytime ay matatawagan siya anomang oras ng media dahil siya ang PNP spokesman.

Maaaring magtatalaga na rin siya ng sarili niyang spokesman na siyang 24 oras na tutugon sa mga pangangailangan ng mamamayan at media ukol sa impormasyon at aksyon ng mga pulis.

At nauunawaan natin siya.

Pero hindi nangangahulugan na hindi siya pupuwedeng tawagan.

Puwede pa rin lalo’t pinalalaganap niya ang Pulis Ako, Pulis N’yo Po.

PA-PNP o Pinuno Ako ng PNP ba ang ibig sabihin nito, General?

KOTONG SA MONUMENTO

Narito ang gusto nating itawag kay Heneral o sa kanyang hihiranging spokesman.

Always present ang mga animal na kotongistang pulis sa paglilibot sa mga nagtitinda sa gabi sa palibot ng  Monumento, Caloocan City.

Pero kung hahanapin ang mga ito ng mga biktima ng mga nang-i-slash ng mga bulsa at bag ng mga pasahero ng mga bus sa naturang lugar, hindi sila makita at always absent ang mga ito.

Kailangan mo pang tumakbo para magsuplong sa malayong istasyon ng pulisya.

Pero wala na ang mga slaher kung may tutulong man na  pulis.

MOBILE POLICE SA BULACAN

Sa Bulacan, mga Bro, napakasipag ang isang provincial mobile group na sakay ng isang patrol car.

Siyempre pa, walang mga naka-motor na hindi nila sinisita dahil baka may tumatakbo ngang mga kilabot na riding in tandem.

Pero alam ba ninyo, PNP chief, ang higit nilang binabantayan?

Ang mga cargo truck.

Halimbawa ang mga galing sa norte na may sakay na mga semento, bigas at kung ano-ano  na dumaraan sa Sta. Maria, Bulacan.

Anak ng tokwa, biglang humihinto ang mga cargo truck kung nasisilip na nila ang patrol car na nakaparada sa isang memorial park sa lugar.

Tiyak kasi silang kokotongan hanggang sa wala nang pangkain ang mga driver at helper.

ISTAYL BULOK NA SEARCH

Alam n’yo ba, PNP chief, kung paano pinupuwersa ng mga iskalawag ang mga driver at pahinante na isuka ang kanilang baon para lang sila mabundat sa kotong?

Una pagsususpetsahan ang mga cargo truck na may iligal na kargamento.

Kung hindi magbibigay ang mga driver at pahinante, aba, uutusan ang mga ito na ibaba at ilabas lahat ang mga kargada ng mga 10-wheeler hanggang 18-wheeler truck para makita kung meron o walang iligal na kargamento ang mga ito.

Sino naman ang hindi magbibigay kahit na gutom na sa daan ang aabutin ng mga driver at pahinante?

MISTERYOSONG DETENTION CELL

Sa isang kampo ng pulis sa Luzon, may sumbong sa atin na puno ng mga presong sangkot sa drugs ang detention nila.

Pero sa gabi.

Pagputok ng liwanag, wala nang preso roon.

Ano ang nangyayari?

Very happy umano ang mga pulis at pa-toothpick-toothpick na lang ang mga ito.

TAUHAN NG DRUG LORDS

Pero may nakatatakot dito, mga Bro.

May ilan sa mga hinuhuli sa gabi na basta na lang natatagpuan sa mga tapunan ng mga bangkay.

Yun bang === “pinatay sa isang lugar pero itinapon sa ibang lugar para iligaw ang mga awtoridad.”

Higit dito, may mga agawan pala ng teritoryo ng mga druglord. Ang mga tauhan ng mga kalaban ng mga ito ang sina-salvage ng mga pulis.

Ano ang kapalit?

May nag-hepe na pulis sa Metro Manila na naging mataas na opisyal sa isang lalawigan ang may rekord nito, Mr. General.

SIKAT NA CARNAP GANG

May sikat na sikat na carnap-slay gang sa Luzon.

Gawain ng mga ito na dadaanin ka sa bilihan ng mga sasakyan.

Kapag minalas-malas ka, Bro, patay o sunog kang bata ka.
Pati kotse mo, susunugin din sa malayong lugar.

ALAGA NG TMG

Nagsimula pala ang sikat na carnap-slay gang bilang  maliliit na carnapper.

Nang mahuli ang mga hinayupak na ito, sila ang ginawang carnapper ng mga taga-TMG.

Yung mga naka-carnap, iginagarahe sa compound ng TMG.

Pero tsina-chop-chop ang mga ito.

May ilan sa mga TMG ang may puwesto sa Metro Manila na tindahan ng mga piyesa ng mga sasakyan at doon ibinebenta ang mga chop-chop na piyesa.

PULIS PATOLA VS TMG

Anak ng tokwa, grabe kung mangotong ang mga iskalawag.

Alam ba ninyong higit na pinangingilagan ng mga driver ang mga TMG kaysa mga ordinaryong pulis na mangongotong?

Doble o triple pala kung kumotong ang mga TMG.

“Hoooy! TMG in, noh, hindi basta pulis!!!” pagyayabang nila.

Ito, mga Bro, ang ikinakamot sa ulo ng mga driver na wala nang magawa kung mangikil ng tig-P100 ang bawat isa sa team.

Eh everybody happy na ang mga pulis patola sa pa-P20-P20  pa-P50-50 na bigay ng mga biktima.

General Bartolome…!!! Kalusin sila!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply