Sina Gardi, Bing at ang Pasay sports complex

ABOT-TENGA raw ngayon ang ngiti nitong sina Gardi at Bing dahil bukod sa nasilo na nila si Pasay City Mayor Antonio Calixto ay nakopo pa nila ang halos buong infrastructure projects sa nasabing lungsod na kung saan ang iba ay sinisimulan na.

Ang dalawang nabanggit ang sinasabing isa sa mga pangunahing dahilan kung naghiwalay ng landas ang dating mag-BF (best friend) na sina Mayor Calixto at George del Rosario, ang political financier ng nasabing alkalde na sinasabing gumastos ng mahigit sa P120 milyon para lang manalo ang huli nitong 2010 elections.

Balita ko, galit si Del Rosario rito kina Gardi at Bing dahil paano nga naman napunta sa dalawang ito ang karamihan sa mga proyekto sa lungsod gayung kailanman ay hindi nakita ang anino ng mga ito noong mga panahon ng kampanya, lalo na sa kada gabing pakikipagpulong sa mga constituent na kinalauna’y lolokohin o “tsitsibibuhin” din lang pala?

Hindi hamak na mas malaki raw ang pinakawalang pera ni del Rosario kumpara sa dalawang ito.

Kung paano napadpad sa kampo ng Team Calixto sina Gardi at Bing ay tiyak na pera rin ang puno’t dulo.

Si Gardi ay talunang kandidato sa isang bayan sa Camanava area.
Marami nga ang nagtataka kung bakit nagsusumiksik siya sa tabi ni Mayor Calixto gayung meron pala siyang political clout sa Camanava area.

Ano ang maitutulong niya sa mga taga-Pasay gayung hindi naman pala siya residente nito?

Ano ang motibo niya sa lungsod?

Hangad din ba niyang pagkakitaan ito?

llan lang ‘yan sa mga tanong na may kaugnayan sa ipinagtataka ng maraming taga-Pasay kung bakit palagiang nakikita itong sina Gardi

at Bing na kasa-kasama itong si Mayor Calixto.

Balitang-balita nga sa Office of the Mayor na may ilang mga desisyon si Mayor Calixto na nagmula mismo sa bibig nitong si Gardi.

Ibig bang sabihin nito ay direkta siyang nakikialam sa pamamalakad

ng pamahalaang-lungsod?

Samantalang si Bing naman ay simpleng kontraktor lang ang pagpapakilala sa sarili niya.

Sa pagkakaalam ko naman ay kontraktor din ito sa lungsod ng Maynila noong termino ni dating Mayor Lito Atienza at kasama rin niya si Gardi bilang mga kaalyado ni Atienza.

May nakapagsabi sa akin na kaya raw nagsumiksik ang dalawa kay Mayor Calixto ay dahil hindi sila makaporma sa mga bata nitong si Mayor Fred Lim. Totoo kaya ito?

Kasama raw nila na sumusuporta kay Atienza ay itong si Supt. Joe Saayon, na hinila ni Gardi papuntang Pasay dahil pinag-initan din ni Mayor Lim.

Sa ngayon, deputy chief for administration ng Pasay City police itong si Saayon bukod pa sa ipinapapel niya bilang chief security ni Mayor Calixto.

Sa mga susunod na araw ay sasadyain ko si Mayor Lim para alamin ang ilang mga bagay tungkol sa tatlong ito. Abangan n’yo!

* * *

ISANG nagngangalang Niko ang diumano’y nakakuha ng kontrata sa Far Eastern University at Asian Institute of Maritime-Pasay para gamitin ang swimming pool ng Pasay City Sports Complex ngayong schoolyear.

Halagang P250,000 ang bayad kada isang eskuwelahan sa umano’y nasabing kontrata pero katulad ng inaasahan natin, hindi raw nakarating ang bayad sa City Treasurer’s Office.

Limang-daang libong piso ang nawawala sa kaban ng Pasay?

Ayon sa informer natin, ang kausap daw nitong si Niko ay sina Jay at Cholo, na kapwa nagsu-supervise ng complex ng mga panahong iyon.

Si Jay, bilang regular na empleyado ng City Hall, ay nalipat na raw sa Engineering’s office habang si Cholo naman ay nasa sports complex pa rin.

Araw-araw ay ginagamit daw ng mga estudyante ng FEU at AIM-Pasay ang nasabing swimming pool.

Paging City Treasurer Manuel Leycano, bosing pakibusisi nga ang misteryosong kontrata na ito. ‘Yan ay kung totoong may kontrata.

Papanagutin ang nagkasala!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply