Speed limit ipinakakasa sa Skyway

AYON sa Palasyo kailangan nang ipatupad ng Skyway management ang kanilang speed limit upang maiwasan ang anumang vehicular accident lalo na ng mga bus.

Matatandaang, may isang buwan na ngayon mula ng maganap ang “Dimples Star bus tragedy” kung saan nahulog ang naturang bus na may biyaheng Lawton hanggang Alabang sa Skyway.

“Kailangan po siguro nilang paigtingin yung kanilang pag-i-enforce ng kanilang speed limit at para po maiwasan iyong mga ganitong pangyayari. Ano po yan… it’s all a matter of enforcement. Sabihin na po natin laging may mag-over speed kapag nahuhuli naman po ay naagapan naman para maiwasan naman po ang aksidente,” ayon kay deputy presidential spokesperson Atty. Abigail Valte.

Kaya nga, walang direktiba ang Malakanyang sa bagay na ito dahil may sarili aniyang patrol ang Skyway.

Ani Valte, hindi sakop ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng pulis ang mga highways.

Samantala, ipinauubaya na ng Malakanyang sa mga mambabatas ang pagdedesisyon kung nais ng mga ito na lakihan ang multa sa mga motoristang nakakasuhan ng over speeding.

Bahala na rin aniya ang mga mambabatas na sumuri kung may gagawing pagsasa-ayos sa mga speed limits na kailangang gamitin ng mga motorista kapag sila’y nasa major highways at lansangan.

At ang apela ng Malakanyang sa mga motorista ay sumunod na lamang sa batas na ipinatutupad sa mga pagunahing highways.

“Hindi po makakasama kung tayo po ay susunod sa mga panuntunan lalo ho doon sa mga dinadaanan ho natin lagi. Hindi naman po ito para sa kaligtasan ng ibang tao ngunit para din po sa ating personal na kaligtasan. Sumunod po tayo doon sa batas trapiko para maiwasan po natin iyong mga ganitong aksidente; maiwasan po natin iyong sisihan; maiwasan po natin iyong turuan,” anito.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply