SSS ‘ID backlog’ mabubura na

TINIYAK ng pamunuan ng Social Security System (SSS) na mabubura na ng ahensiya ang “backlog” nito sa pagbibigay ng bagong identification card bago sumapit ang kalagitnaan ng Oktubre ng taong ito.

Sinabi ni SSS Vice President for Public Affairs Marissu Bugante na sa susunod na buwan ay naitama na nila ang kanilang backlog na sa ngayon ay aabot sa 600,000 miyembro.

Ani Bugante, nagsimula nang magbigay ang SSS ng bagong ID sa ilalim ng Unified Multipurpose Identification System (UMID) nitong Hulyo base na rin sa kautusan ni Pangulong Benigno Aquino III.

Aniya, noong Abril 2010, pansamantalang inihinto ng ahensya ang pagpapalabas ng SSS ID dahil nagkaroon ng problema ang kanilang pasilidad na siyang gumagawa ng naturang card sa loob ng 10 taon.

Tiniyak naman ni Bugante na unang magkakaroon ng ID ang mga miyembrong tinamaan ng kanilang pagtigil ng produksyon nakaraang taon.

Samantalang ang mga nag-aplay nitong Hulyo 2011 ay siguradong makukuha ang kanilang ID bandang huling bahagi ng taon, aniya.

Gayundin, aniya, sa pamamagitan ng kanilang bagong proseso ng data capturing, isang buwan lamang ang bibilangin para makuha na ang bagong ID.

Hatid ng bagong SSS UMID card, na may contactless chip at magnetic stripe, ang seguradong pagtatabi ng impormasyon hinggil sa mga miyembro nito. Maaari ring gamitin ang UMID card upang ma-withraw ang mga benepisyo at loan sa pinakamalapit na ATM machine at kiosk.

Kaugnay nito, ginagamit din ang UMID system ng ilang pangunahing ahensya at korporasyon ng pamahalaan gaya ng Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Health Insurance Corporation at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG). Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply