Suhulan sa Transco deal, itinanggi ng 3 PNoy allies

ITINANGGI ng tatlong senador na mahigpit na kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino III na tumanggap sila ng suhol nang pagtibayin ng Kongreso ang prangkisa ng National Transmission Company (Transco) noong 2008 kahit malinaw na nakalagay sa impormasyon ng Wikileaks.

Ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, kung totoong nagkaroon ng suhulan para mailusot ang prangkisa ng Transco, hindi siya kasama sa bigayan ng suhol dito.

“Kung meron man eh di tayo kasali doon,”pagdidiin ni Pangilinan.

Base sa cable na isinapubliko ng whistleblower group na Wikileaks, umaasa na ang US Embassy na habang iginagapang pa lamang ang panukala para sa prangkisa ng Transco noong 2007 ay nagkaroon na ng suhulan sa mga miyembro ng Kamara at Senado.

Mismong si dating Ambassador Kristie Kenney umano ang nagpadala ng cable sa US State Department upang isumbong ang corruption sa privatization ng Transco.

Nabili ang Transco   ng consortium ng Monte Oro Grid Resources Corp. na pinamumunuan ni businessman Enrique Razon at State Grid Corporation of China at
Calaca High Power Corp.

Sinabi naman ni Sen. Teofisto Guingona III na imposibleng maambunan siya sa pagpapatibay ng prangkisa ng Transco dahil sa bumoto siya kontra dito noong miyembro pa ito ng Kamara bago naging senador.

Habang si Sen. Sergio Osmena III, sinabi nitong namahinga siya ng tatlong taon mula noong 2007 hanggang 2010 kung kayat hindi masasabing nakinabang siya dito kahit na siya ngayon ang chairman ng senate committee on energy at co-chair ng joint congressional power commission.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply