Toll fee hike tuloy na tuloy na sa Oktubre 1

HINDI na mapipigilan ang panibagong pagtataas ng toll fee sa mga expressway simula sa Sabado, Oktubre 1 na katumbas ng ipapataw na 12-porsiyento ng value added tax (VAT) na itinakda ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Dahil dito, muling nanawagan ang grupong Taxpayers Unity Against Toll Fee Hike in the SLEX (TUTOL-SLEX) kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na suspendihin ang implementasyon ng VAT sa toll lalo na’t sinalanta ng bagyong Pedring ang kabuhayan ng maraming mamamayan sa buong Luzon.

Ayon kay Sammy Malunes, tagapagsalita ng TUTOL-SLEX, maihahalintulad ang panibagong pagpapataw ng VAT sa toll sa hagupit ng bagyong Pedring at sa darating pang bagyong Quiel na tiyak na magdudulot ng panibagong pahirap sa buhay ng marami.

Sinabi ni Malunes na dapat patunayan ngayon ni Pangulong Aquino ang ipinagmamalaki na hindi manhid ang kanyang administrasyon sa kapalaran ng mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng pagsususpinde sa pagpapataw ng VAT sa toll.

Malinaw aniya na isa ring delubyo na kahalintulad ng mapaminsalang malalakas na bagyo ang panibagong pagtataas ng toll fee dahil sa ipapataw na VAT na magdudulot din ng kamatayan sa ibang kaparaanan.

Dahil dito, nanawagan ang grupo sa publiko na ipagpatuloy ang mga isinasagawang kilos-protesta upang magising ang gobyerno at makita ang hindi magandang epekto nito sa kabuhayan ng maraming mamamayan

Nauna rito’y inihayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na tanging kautusan lamang ng Korte Suprema sa pamamagitan ng paglalabas ng temporary restraining order ang makapipigil sa implementasyon ng VAT sa toll bukas.

Gayunman, sinabi ni Commissioner Kim Jacinto-Henares na hindi puwedeng magpataw ng lalagpas sa 12-porsiyento ang tollway operators kung nais nilang hindi makasuhan ng profiteering.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply