Tserman sa Tondo dapat iseminar sa child abuse

DAPAT sigurong sumailalim muna sa seminar tungkol sa nilalaman ng batas na Republic Act  7610 na mas kilala sa Anti-Child Abuse Law ang ating mga barangay official lalo na itong si Brgy. Chairman Bong Siada Ang, ng Brgy. 7, Dist. 1 ng Tondo, Manila.

Mahilig umanong manghuli ng mga kabataan itong si Chairman Ang at  kapag nasa loob na ng kanilang barangay hall ang mga nahuling  kabataan ay  kanyang sasaktan katulong ang kanyang mga  alipores na mga hoodlum na tanod.

Ang ipinagtataka ng mga residente rito ay kung bakit pinapatulan naman ng ating kapulisan sa Station 2 ng Manila Police District (MPD)  ang sumbong nitong sinungaling na tserman na ito na nagsasabing solvent at rugby boys kuno ang mga bata.

Kamakailan lang ay may hinuli na naman itong limang kabataan na nagko-computer daw sa kabilang barangay na hindi naman niya nasasakupan diyan sa may Padre Rada St., Tondo at pagkatapos ay dinala doon sa kanyang barangay hall at dito umano pinagpapalo ng yantok o kahoy ang mga kamay ng mga bata.

At ang masama pa nito ay pinilipit ng isang tanod ni  Chairman Ang ang daliri ng isang bata na kaoopera pa lang at may benda pa sa braso.

Tila tuwang tuwa pa ang tanod habang nagpapalahaw sa sakit ang bata.

Alam n’yo  ba  na ang kawawang mga kabataan ay ipinakulong pa sa presinto kasama ng ibang preso, at itong mga tarantadong pulis Maynila naman ay pumayag na ikulong ang mga menor de edad  na kabataan  gayung alam naman nila ang proseso at kung saan dadalhin ang mga menor de edad na naaaresto.

Dapat din sigurong mag-training pa itong ating mga kapulisan diyan sa Maynila hindi lang sa pag-aresto kundi maging sa paghawak ng mga nahuhuling suspek, lalo na ang mga menor de edad.

Nang  magreklamo ang mga magulang ng limang inarestong kabataan kinabukasan ay saka lang pinalabas ang mga bata pero ang hindi alam nitong si tserman ay nakunan na ito ng litrato sa cellphone ng isa sa magulang ng mga bata at ang nasabing litrato  ay gagamiting ebidensiya para sa pagsasampa ng reklamo laban dito kay tserman at sa kanyang mga tauhan.

Hindi lang umano ito minsan dahil nakagawian na nitong si tserman ang manita ng mga bata na palagi na lang pinasusundan sa kanyang mga tanod para hulihin pero nakatitikim muna ng pananakit ang mga bata kay tserman at sa mga hoodlum nitong mga bataan bago palayain.

Pero may nakalap tayong impormasyon na pati pala mga pulis ay naaasar na rito kay tserman dahil madalas daw silang pinagreresponde at ginagamit sa panghuhuli sa mga bata.

Daig  pa nitong si tserman si Lone Ranger na palaging nakasukbit sa baywang ang baril at  minsan pa ay pinamamalo pa  sa mga nahuhuling bata.

Aba Tserman, sobra na yang tapang mo, bakit hindi mga  holdaper at agaw kuwintas ang tutukan mo gayung talamak ito sa iyong nasasakupan?

Tserman, bata lang ba ang kaya mong patulan?

Maghanap ka naman ng medyo malaki-laki para makita natin ang tapang mo o sadyang mayabang ka lang talaga dahil  may mga alipores kang mga barangay tanod.

Subukan mo kayang mag-isa lang na manghuli kung hindi ka kuyugin ng mga  tao diyan sa nasasakupan mong barangay.

Sa  pagtatanong-tanong ng inyong lingkod ay nalaman natin na kaya pala ubod ng yabang  at siga itong si  tserman ay dahil malakas daw ito kay  Congressman Atong Asilo.

Ano kaya ang masasabi rito ni Cong. Asilo at ni Department of Interior and Local Government Secretary Jessie Robredo.

Bukas po ang Lily’s Files Column natin para sa inyong panig, Chairman Bong Siada Ang, ng Barangay 7, District 1, ng Tondo, Manila.

At para rin po sa may gustong iparating na reklamo at sumbong sa inyong lingkod ay mag-text lang po kayo sa CP # 0915-5683000 o kaya ay mag email sa lily_reyes13@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply