Tuition fee pinarerendahan sa gobyerno

KUNG hindi rin lang madaragdagan ang alokasyon ng pamahalaan sa state universities and colleges (SUC) ay makabubuting pigilan na ng gobyerno ang pagtataas sa matrikula.

Ito ang isinulong ni San Juan Rep. JV Ejercito sa Kamara sa gitna ng patuloy na pag-aalsa ng mga estudyante sa mababang alokasyon ng SUC sa 2012 General Appropriations Act.

Ayon sa House Bill 4598 o Tuition Fee Rationalization Act ni Ejercito ay lilikhain ang National Tuition Fee Rationalization Council (NTFRC), isang multi-sectoral body na magdedesisyon sa adjustment ng matrikula.

Sa bawat rehiyon ay kailangang magtayo ng sangay upang siyang mag-apruba ng anumang pagbabago sa tuition fees.

Ang pagtaas ng matrikula ay karaniwan ng reklamo tuwing pasukan dahil umaabot sa 12 porsiyento ang itinataas ng tuition fee sa Metro Manila samantalang 10-15 porsiyento naman ang itinaas sa ibang rehiyon.

Gayunman, itinatakda ng panukala ng kongresista na papayagan ang tuition fee increase nang walang konsultasyon sa TFRC para sa mga freshmen o bagong pasok sa kolehiyo.

Samantalang ang anumang pagtaas sa matrikula sa ibang lebel na lalagpas sa 15 porsiyento ay kailangan nang idaan at paaprubahan sa NTFRC. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply