Umaalingasaw ang PNP

UMAALINGASAW ang baho ng Philippine National Police.

Kahit takpan mo pa ang iyong ilong at hindi ka huminga, papasok at papasok pa rin ang baho ng PNP sa iyong katawan hanggang sa sikmura.

Hanggang sa ‘di mo na mapigilan ang masuka nang masuka nang masuka.

oOo

Op kors, malalaki ang mga nadidiskubreng kaaliwaswasan sa pulisya.

Por eksampol ang multi-milyong helikopter iskam, rubber boat iskam at repair sa armored personnel carrier.

Pero palaki nang palaki ang mga ito, Suki. Pinakahuli sa mga malalaki ang P1 bilyong iskam sa pensyon.

Akalain mong nakapagpapalusot ang mga iskalawag ng mga nasa 2,000 pensiyonado sa nakaraang apat na taon at nakakubra ang mga ito ng P1 bilyon.

Pinagpapatay pa ng mga sindikato ang dalawa nilang ahente sa Kabisayaan na naramdaman nilang magiging whistleblower kung sakaling mabulgar ang iskam.

oOo

Ano nga ba ang maaasahan sa mga parak, eh, mismong sa mga lansangan lang ay kitang-kita ang pambababoy ng mga ito sa pamahalaan at kay Juan?

May oathtaking o may panunumpa ang mga ito bago sila sabitan ng tsapa at suotan ng uniporme bilang protektor at lingkod bayan.

Pero ano ang nasasaksihan o nararanasan ni Juan? Sa ibang salita, bakit kinatatakutan o iniilagan ni Juan ang pulis?

Samting teribol is hapening, Suki, sa mga pulis. Wataymen, hindi lamang nakikita ang mga parak na kawatan sa Kampo Krame.

Kawatan din sila sa lansangan at klaro ito sa mga kotongan, karnaping, hulidap, bangketa sa droga at iba pa. Eh ang salvaging nila para lang sila kumita sa punerarya?

PNoy, yung ipapalit ninyo kay Gen. Raul Bacalzo, hindi kaya mababalaho sa pagreporma sa pulisya?

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply