UPDATE: 5 sa 9 pugante sa QCPD jailbreak balik-selda; duty police officers pinagpapaliwanag

LIMA na ang naaresto mula sa siyam na presong pumuga kahapon sa selda ng Quezon City Police District (QCPD) Station 5 sa Fairview, Quezon City.

Pinakahuling naibalik sa kulungan kaninang 3:30 ng hapon si Richard Santos na mismong isinuko ng apat na mga kapatid sa tanggapan ng nasabing istasyon.

Habang nahuli rin dakong 10:00 kamakalawa si Joel Gorobot sa San Mateo, Rizal na nagbuko sa  awtoridad na isang dalaw umano ng kasama nilang si Richard Santos ang nagdala ng lagareng bakal na ginamit para putulin ang rehas sa presinto.

Matatandaang nauna nang naaresto ang tatlong pugante na sina Russel Catintay, Romulus Bagnate at ang mayor ng piitan na si Pedro Perez, makalipas ang halos 15-oras mula nang tumakas ang mga ito.

Samantala, pagpapaliwanagin naman ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) Division ng QCPD ang mga pulis na naka-duty sa nasabing istasyon ng pulis.

Kabilang sa pinagpapaliwanag ang duty desk officer na si SPO2 Raymond Paligutan at ang jail guards na sina Romeo Guerrero at PO3 Manuel Ireneo.

Nakatakda ring kasuhan ang kasintahan ng isang bilanggo na nakipagsabwatan sa mga suspek na nagbigay ng armas para makatakas ang mga detainee.

Nauna nang inirekomenda ni QCPD Chief Superintendent George Regis kay QC Mayor Herbert Bautista na isailalim sa Administrative relief ang hepe ng QCPD Station 5 na si Police Supt. Edgardo Pamittan hinggil sa nangyaring insidente.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply