Vendor lumuwa ang mata sa pukpok ng martilyo

LUWA ang mata ng isang 56-anyos na vendor matapos itong pukpokin ng martilyo ng kanyang kapitbahay Sabado ng umaga, Setyembre 17, sa Tondo, Maynila.

Agad na nasawi sa pinangyarihan ng krimen ang biktimang si Nicasio del Castillo habang arestado naman ang suspek na si Danilo Flores, 58.

Sa report ni PO2 Jupiter Tajonera, dakong alas-5:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng kuwarto ng biktima sa 2nd floor ng Bldg. 8 Temporary Housing, Vitas, Tondo, Maynila.

Nauna rito, uminom umano ang biktima kagabi at nang malasing ay nagkaroon sila ng suspek ng pagtatalo kaugnay sa partisyon ng kanilang tinutuluyang kuwarto kung saan tanging tabla lamang ang dibisyon.

Nagalit umano ang suspek sa madalas na pagmumura ng biktima sa kanya kaya pinukpok nito ng martilyo sa kaliwang mata.

Ayon kay Tajonera, nakita pa ng tanod na si Edwardo Abrigo ng Barangay 105, Zone 8 ang suspek na bumababa sa nasabing gusali matapos ang insidente.

Alas-6:35 na ng umaga nang mapansin ng ilang kapitbahay na patay na ang biktima at duguang nakahandusay sa kanyang kama kaya agad na hinanap ang suspek at ito ay naaresto ng mga tanod sa lugar.

Ang bangkay ng biktima ay dinala sa Funeraria Cruz para sa autopsy at safekeeping. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply