Walang kuwentang NLRC, security agency

NABATID natin sa nakalipas na isyu ng PAKUROT na marami sa mga negosyante ang nagpapalit ng pangalan ng kanilang establisimyento upang makaiwas sa buwis na sinisingil sa kanila ng pamahalaan.

Mas masakit ang ipinarating na ulat ng isang mambabasa ng REMATE sa pamamagitan ng text message hinggil sa pagpapalit ng pangalan ng ilang negosyo na may kinalaman ang National Labor Relations Commission (NLRC).

Ayon sa texter (0920407***), hindi siya ang biktima ng negosyanteng mapangapi at mapanglamang subalit ang kanyang bayaw na ngayon ay naghihirap dahil sa pagkakasibak sa trabaho.

Anang nagpadala ng text message, ang bayaw niya ay matagal na nagsilbi sa Lyncris Tire Center subalit tinanggal ito.

Upang maibangon ang dangal mula sa pagkakasibak sa trabaho, nagsampa ng reklamo ang kanyang bayaw sa NLRC sa Calamba, Laguna.

Kasong illegal dismissal at underwage ang isinampa ng manggagawa sa kanyang amo na may-ari nga ng nasabing tire business.

Naipanalo ang kaso at inatasan ng NLRC ang kompanya na bayaran ang sinibak na empleyado. Iniutos din ng labor commission na kung hindi makabayad ng pera ay may mga gamit na puwedeng hilahin sa kanila bilang kabayaran sa naaping manggagawa.

Pero ang may makapal na mukhang may-ari ng Lyncris Tire Center ay nagpalit ng pangalan. Ginawa nila itong 3 Sisters Tire Center upang hindi na makasingil ang kawawang empleyado na kanilang tinanggalan ng kabuhayan. Pinapaa na rin o pabalik-balik na sa nasabing kompanya at sa NLRC Calamba ang kawawang tao subalit wala namang makuhang matinong sagot mula sa kinauukulan.

Sana naman ay matugunan ito ng pamahalaan upang hindi mawala ang tiwala sa gobyerno ng mga mamamayan lalo na ang mga kumakalam ang sikmura dahil sa kawalan ng pagkakakitaan.

Isa pang text message ang natanggap ng inyong lingkod na humihingi ng tulong sa Department of Labor and Employment (DOLE) na matulungan silang mabatid kung may lisensiya ba ang pinagsisilbihan nilang security agency.

Aniya,  nais ko lang pong malaman mula sa DOLE kung kolorum po ba ang Prime Shield Security Agency?

Wala nga pong opisina ito, walang SSS at hindi rin sa tamang oras kung magpasahod, saad pa ng impormante.

Siguro, makabubuting ang SAGD sa Camp Crame ang sumagot ng tanong na ito ng ating text message sender. Hintayin natin ang kanilang kasagutan.

oOo

Nais po ba ninyong ibahagi ang karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya at pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari po kayong magtext sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.-com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply