Walang magagawa? Layas!

“WALA kaming magagawa.”

Nakataga sa bato ang katwirang ito ng mga nasa Department of Energy sa problema sa sobrang taas na presyo ng langis simula nang umupo si Boss Noy.

Ang Oil Deregulation Law ang may sala, sabi ng mga inutil sa DOE.

Ang mag-monitor lamang sa pagtaas-pagbaba ng presyo umano ang tangi nilang magagawa at wala silang kapangyarihang kumontrol dito at dumisiplina na rin sa mga kompanya ng langis kung magsagawa ang mga ito ng ober-praysing o magbawas-presyo ng kakatiting.

Sa katunayan umano, walang maituturing na overpricing o kabaligtaran nito sapagkat buo ang kalayaang ibinibigay ng nasabing batas sa mga kompanyang langis na magtaas-baba ng presyo ng gusto nila.

oOo

Sa kabilang banda, mismong ang nasabing batas ang nagtatag ng DOE-Department of Justice para subaybayan ang pagsasamantala ng mga kompanyang langis subalit nakapagtatakang hindi man lang ito pinagagana.

Higit na masakit, kung ang nasabing batas ang may depekto, hindi man lang kinakikitaan ang DOE at ang mismong pamahalaang Aquino ng pagkilos upang amyendahan o buwagin ito.

Ito’y sa kabila ng katotohanang hindi nababaling batas ng Diyos ang Oil Deregulation Law.

Sa gitna ng mga pangyayaring ito, ano pa ang silbi ng DOE at pamahalaang Aquino kung lubusan na itong inutil sa problemang ikinahihirap ng lahat ng mamamayan?

Magandang ipaalaala sa buong pamahalaan na kung nagigipit na ang mamamayan sa kainutilan ng pamahalaan at pagsasamantala ng mga makapangyarihang gaya ng mga kompanyang langis, ang mamamayan na ang kumikilos para palayain nila ang kanilang mga sarili sa mga ito.

Hindi kailanman mabubura sa isipan ng mamamayan ang mga tagumpay nito sa mga mapagpalayang kilusang Katipunan at mga pag-aalsang EDSA.

O PNoy, gets mo?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply