Wanted: Filipino superheroes

MALALIM ang pagkakaugat sa kultura at kamalayang Filipino ng kosepto ng superhero.

Isa ito sa naging pamana na iniwan sa atin ng 333 taong pananakop sa bansa ng mga kastila.

Taglay ang Krus na simbolo ng Kristiyanismo at Watawat na sagisag ng kapangyarihan ng emperyo ng  Espanya, nasakop ng mga Kastila nang walang halos resistensiya ang Pilipinas.

Sa ngalan ng Kristiyanismo ay naging madali na matanggap ng mga Filipino ang pamumuhay sa ilalim ng dayuhang kapangyarihan.

Nagpatayo ang mga Kastila ng simbahan sa bawat bayan sa pangalan ng mga santo at santa na itinuturing na mga bayani at martir ng Simbahang Katoliko.

Ipinagpipista at sinasariwa ang kanilang kabayanihan minsan sa isang taon.

Bagama’t ipinagpatuloy ang pagdiriwang ng mga kapistahan, nagkaroon ng mga bagong bayani ang mga Filipino sa katauhan ng mga superhero ng Himagsikan ng 1896 na pumutol sa pananakop ng mga Kastila.

Nagpatayo ang bawat bayan ng monumento ng kanilang idolo ng kilusan sa kalayaan at pagsasarili na tulad nina Dr. Jose P. Rizal, Andres Bonifacio, Hen. Emilio Aguinaldo, magkapatid na del Pilar na sina Pio at Marcelo, Apolinario Mabini, Juan Luna, atbp.

Noong panahon na wala pa sa bokabularyo ng mga Filipino ang katagang “graft and corruption” sa loob at labas ng pamahalaan iniidolo ng mga Filipino ang mga lider na tulad nina Pangulong Manuel Quezon, Pangulong Manuel Roxas, Pangulong Ramon Magsaysay, yumaong Sen. Claro M. Recto, Sen. Lorenzo Tanada at mga Pangulong Elpidio Quirino at Carlos P. Garcia na kapwa namatay na mga pulubi.

Ang naiwang yaman ni Quirino ay P150,000 lamang samantalang bahay na tumutulo sa ulan ang iniwan ni Garcia sa kanyang may-bahay.

Sumunod na mga superhero ng mga Filipino ay sina Senador Benigno Aquino Jr. iniaalay ang buhay upang mapalaya sa diktadura ang mga Filipino at ang kanyang maybahay, ang naging Pangulong Corazon C. Aquino, ang icon ng demokrasya sa Pilipinas. Kapuwa sila mga magulang ng nakaupong Presidente Benigno Aquino III.

Dahil sa nagdaang maruming imahen ng mga lider-pulitiko, ang paghahanap ng mga Filipino ngayon sa makabagong superhero ay nakabaling sa larangan ng entertainment at sports.

Iniidolo at dinudumog ng mga tao ang ating  sports heroes na tulad ni Manny Pacquiao, humahahawak ng korona sa walong kategorya ng pandaigdigang boksing; ating mga superstar at celebrity sa pelikula at telebisyon; at ating mga beauty queen sa katauhan nina Venus Raj, 4th runner up sa Miss Universe pageant noong lumipas na taon; at Shamcey Supsup, pumangatlo sa nagdaang pagpili ng bagong Miss Universe.

Bukod sa nabanggit ay higit na kailangan ngayon ang pagkakaroon ng superhero ng ating kasalukuyang panahon ukol sa pagbabago sa pamahalaan at lipunan na manggagaling sa hanay ng ehekutibo, mga mambabatas, hudikatura, serbisyo sibil, multi-media at ordinaryong mga mamamayan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply