WikiLeaks expose pinaiimbestigahan ni Miriam

AGAD na pinaiimbestigahan ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa Senate blue ribbon at committee on electorial reforms ang isiniwalat ng whistleblower group na WikiLeaks na tumanggap si dating Pangulong Fidel Ramos ng P5 milyon mula kay Libyan leader Moammar Gadhafi na sinasabing ginamit para sa 1992 presidential campaign.

Nabatid na noong 1992 presidential elections ay nagkaharap sina Santiago at Ramos kung saan inireklamo ng senadora ng pandaraya ang dating pangulo.

Sa kanyang inihaing resolusyon, nais ng senadora na paharapin sa Senado si Ramos upang magpaliwanag sa ibinulgar ng WikiLeaks.

Naniniwala ang senadora na sa pamamagitan ng isiniwalat ng WikiLeaks, napatunayan na nandaya si Ramos noong 1992 elections kung saan maaaring ginamit ang pondo mula sa Libyan leader.

Gayunpaman, ayaw na raw ni Santiago na personal pang gisahin si Ramos sa imbestigasyon ng Senado sa halip ay ipauubaya na lamang ito sa mga pinuno ng komite na sina Sen. Teofisto Guingona III at Sen. Koko Pimentel na kapwa mga abogado.

Aminado si Santiago na sa tagal ng lumipas na panahon ay hindi na maaaring parusahan si Ramos sa Election Code  lalo’t tapos na ang termino nito ngunit maaaring may paglabag aniya ito sa Penal Code na posible niyang ikakulong.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply