WPP kay Zaldy hahadlangan ng mga kaanak ng biktima sa Maguindanao Massacre

HAHARANGIN ng mga kaanak ng mga biktima sa Maguindanao Massacre ang pagnanais ni dating Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan na makapasok sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).

Ayon kay Atty. Harry Roque, abogado ng pamilya ng mga biktima sa Maguindanao Massacre, hindi dapat matakasan ni Ampatuan ang pananagutan nito sa kaso.

Sakaling makapasok sa WPP si Ampatuan ay mawawalan na ng hurisdiksyon ang korte na may hawak sa Maguindanao Massacre case na isa sa mga akusado ang dating gobernador.

Gayundin kung nasa ilalim na ng WPP si Ampatuan ay hindi na ito makukulong at mananatili na lamang sa isang safehouse at makatatanggap pa ito ng sustento mula sa gobyerno.

Magugunita na pormal ng hiniling ni suspended ARMM governor Zaldy Ampatuan na mapasailalim sa WPP ng DOJ.

Base sa dalawang pahinang affidavit na isinumite ng abogado ni Ampatuan sa DOJ, binigyang diin nito na sinabi sa kanya ng kanyang ama na si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. na nagbigay si dating First Gentleman Mike Arroyo ng P3 million upang manipulahin ang 2007 elections sa kanilang lalawigan.

Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na ang affidavit ni Zaldy, kasama ang salaysay ni dating Maguindanao election supervisor Atty. Lintang Bedol at mga police na sangkot sa Batasan break-in ay isusumite sa DOJ-Comelec fact finding committee.

Unang sinabi ni Ampatuan ang kagustuhan nitong maging testigo noong nagpaunlak ito ng panayam sa media sa loob ng piitan. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply