Yumul pinagpapaliwanag sa pagpapakawala ng tubig sa dams

PINAGPAPALIWANAG ni Pangulong Benigno Aquino III si Science and Technology Undersecretary Graciano Yumul na ukol sa naging hakbang na pakawalan ang tubig sa apat na dam sa bansa bunsod ng hagupit ng bagyong Pedring.

Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, nais malaman ni Pangulong Aquino kung nasunod ang protocol o panuntunan sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam gaya ng Ipo Dam sa Bulacan, Ambuklao at Binga Dam sa Benguet at Magat Dam sa Isabela.

Sa ulat, nauna nang nagreklamo ang mga local official sa ginawa ng mga operator ng mga dam at hindi umano sila kinonsulta dahilan upang lumubog sa tubig-baha ang Gitnang Luzon lalong-lalo na ang Bulacan.

Dahil sa hagupit ng bagyong si “Pedring,” nagpakawala ng tubig ang apat na dam sa Luzon nitong Martes ng tanghali.

Sa media advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, noong nakaraang Martes ay sinasabing tatlong gate ng Ipo Dam sa Bulacan ang binuksan matapos na umabot sa 101.2 meters ang tubig nito, mas mataas sa 100.2-meter spilling level.

Apat na gate naman sa Ambuklao Dam sa Benguet ang binuksan para pakawalan din ang sobrang tubig matapos umabot sa 751.63 meters ang antas ng tubig nito. Hindi na malayo sa maximum water capacity na 752 meters.

Sa Benguet pa rin, apat na gate din ng Binga Dam ang binuksan dahil umabot na sa 572.94 meters ang tubig nito, na malapit na rin sa spilling level na 575 meters.

Tatlong gate naman ang binuksan sa Magat Dam sa Isabela dahil umabot na sa 188.74 meters ang tubig nito. Ang spilling level ng dam ay 193 meters.

Samantala, hindi pa nagpapakawala ng tubig ang Angat Dam sa Bulacan, La Mesa Dam sa Quezon City, San Roque Dam sa Pangasinan, Pantabangan Dam sa Nueva Ecija, at Caliraya Dam sa Laguna.

Ngunit batay sa Twitter account ng Flood Forecasting and Warning Section ng Pagasa, umabot na sa 79.73 meters ang tubig sa La Mesa Dam, malapit na sa 80.15-meter na spilling level nito.

“It is likely to overflow if the rainfall will continue for the next 12 hours,” pahayag ng ahensiya.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply