‘Di aso ang mga sundalo

MALAKING dagok sa administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino ang pagmasaker ng 19 miyembro ng Philippine Army sa Basilan.

Ngunit sa kabila ng karumaldumal at kahindik-hindik na pangyayaring ito, tila baga hindi nababahala ang Malacañang.

Kung kailan dumating ang gobyernong (Aquino) napakaraming pangarap para sa malawakang pagbabago ay nangyari pa ito.

Ang pagkakasundo-sundo, lalo na sa magulong lugar ng ating mga kapatid na Muslim sa Mindanao ay priority program ni PNoy.

Sinimulan na ang peace process sa pamamagitan ng paglilinang ng mga reporma at pagtatalaga ng grupong magsasakatuparan sa programa.

Katunayan, mismong ang Pangulo ang nagbiyahe pa sa Indonesia at Japan para pangunahan ang pakikipag-usap sa Muslim leaders.

Ang pakikipag-usap niyang ito sa ibang bansa ay kinuwestiyon ng oposisyon at umani ng kaliwa’t kanang batikos sa Pangulo.

Kumbaga, maliwanag pa sa araw na kumikilos ang Aquino administration para makamit ang ‘lasting peace’ sa Mindanao.

Kapag nakamit kasi ang katahimikan, walang ambusan at walang mamamatay. After all, tayo’y magka-kapatid na may iisang bansa.

Pero sa ginawang pagpatay sa 19 nating mga kapwa Filipinong sundalo ng mga kapatid nating MILF, ibang usapan na yan.

Kung masakit kay Mang Juan at Aling Maria ang pagpatay sa mga sundalo, mas lalo sa mga kaanak at pamilya ng mga ito.

Ginagawa ng Pangulong Aquino ang nararapat, subalit ang mga MILF, tila ayaw nila ang isinusulong na peace process ng gobyerno.

Sino ba kundi lahat tayo ay nais ng katahimikan. Ang pagmasaker ng MILF sa 19 sundalo ay malinaw na ayaw nila ng katahimikan.

Pakiwari natin, bantulot si PNoy na gayahin ang  pagdedeklara ng ‘all out war’ noon ni Pangulong Joseph Estrada laban sa MILF.

Kung kailangan para ipakita sa mga MILF na binabastos na nila ang batas ng kanilang bansang Pilipinas – bakit hindi!

Dapat malaman ng Pangulo na ang mga pinatay ng mga MILF na yan ay ‘di mga aso kundi mga taong nais lang ay katahimikan.

Ngunit sa pagnanais nilang makamit ng Mindanao ang katahimikan ay naging dahilan pa para sila’y magbuwis ng buhay.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply