‘Di sapat ang katapatan sa pamamahala ng gobyerno

HINDI pwede na puro na lang simula. Kapag sinimulan, dapat ay matapos. At kapag natapos, dapat magsimula ang bagong pag-asa.

Sinimulan ang maraming imbestigasyon sa kapulungan ng kongreso: mula korapsyon na sangkot ang mga militar, pulis at matataas na opisyal ng gobyerno; umano’y dayaan sa nakaraang mga halalan; hindi tama at maayos na bidding processes at paggastos sa intelligence funds  ng  mga ahensiya ng pamahalaan.

Labing-limang  buwan na sa panunungkulan si Pnoy. Mahabang panahon puro simula: walang mga bagong trabaho at ang OFW (overseas Filipino workers) – ay umuuwi sa lupa ng sariling bayan nang walang makuhang trabaho, bangkarote at naisanla na ang naipundar na ari-arian; hindi nakukuha ng BIR – Bureau of Internal Revenue at BOC – Bureau of Customs ang monthly target collection sa buwis; pagtaas ng presyo ng langis at gasolina at natural na apektado ang kilos at galaw ng basic commodities; mataas na singil sa tubig, elektrisidad, VAT sa toll at maging sa presyo ng bigas at sardinas ay tumaas na rin; at walang infra sa ipinagmamalaking PPP – public private partnership ng administrasyon na inaasahang magbibigay ng trabaho sa mga istambay at aakit sa mga foreign investor na maglagak ng puhunan sa bansa.

Wala pang malaki at matabang isda na nakukulong dahil sa korapsyon, maliban kay Ret. General Garcia na pinarusahan ng AFP court martial.

Dumating pa ang mapaminsalang mga bagyo – marami ang namatay at nasira ang tahanan at pananim ng mga magsasaka na umaabot sa mahigit na anim na bilyong piso.

Lalong nagkahetot-hetot ang buhay ng mga mahihirap – wala nang magawa kundi ang tumingala sa langit at hanapin ang nawawalang ningning at kislap ng buwan at mga bituin.

Tapat at sinsero si PNoy sa pangangasiwa sa administrasyon. Pero, hindi uusad at magtatagumpay ang gobyerno sa pamamagitan lamang ng katapatan at sinseridad.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply