1 patay sa landslide sa Butuan; evacuation pinatupad na sa Dinagat

NAITALA ang unang kaswalidad ng bagyong Ramon sa Butuan City matapos ang landslide na naganap kahapon ng hapon (Oktubre 11) sa Purok 8, Barangay Maibu.

Ang biktima ay kinilalang si Daryl Calis, 20, binata, residente at cook ng mga minero sa naturang lugar.

Sa impormasyon ni dating Maibu Brgy. Captain George Tempo, dakong alas-5:00 kahapon ng hapon, binabaybay ng biktima ang open-canal mining area sa naturang lugar kasama ang dalawang minero nang biglang gumuho ang lupa.

Nahawakan pa siya ng mga kasamahan subalit bigong maisalba ang buhay ng biktima nang muling gumuho ang lupa.

Sa pagtakbo ng mga kasamahan ay naiwan ang biktima na narekober na pasado alas-7:30 kagabi.

Samantala, sa Dinagat Island province naman, ipinatupad ngayon ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ang pre-emptive evacuation at siyam na pamilya na nakatira sa baybayin sa Brgy. San Jose ang inilikas sa evacuation centers.

Sinabi ni Ms. Rosario Roxas, ang in-charge ng PDRRMC, layunin nito na makuha ang zero casualty sa buong panahon ng paghagupit ni ‘Ramon’ na inaasahang tataas pa ang bilang ng mga evacuees ngayong araw.

Patuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan sa Dinagat Island at ang ilang mga low lying areas ay patuloy na binabaha.

Nilinaw pa ni Roxas na hanggang ngayon ay suspindido pa rin ang biyahe sa lahat na mga sasakyang pandagat mula sa Surigao City patungo sa Dinagat Island at wala ring klase sa lahat ng antas sa elementary at secondary school.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply