13 illegal fishing vessel nasabat ng BFAR

NASABAT ng lokal na pulisya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) katuwang ang Philippine Coast Guard ang 13 commercial fishing vessel sa mga karagatan ng Masbate, Albay, Ragay Gulf at Mamburao kasunod ng isang linggong operasyon na sinimulan nila ng October 10.

Ayon kay BFAR director Atty. Asis G. Perez, lahat ng tauhan at mga may-ari ng mga pangisdang sasakyan ay nakakulong na at pawang nasampahan na ng kaukulang kaso.

Sinabi pa ni Perez, patuloy na paiigtingin ng gobyerno ang kampanya laban sa mga iligal na nangingisda sa bansa.

Batay sa ulat, gumagamit umano ng pampasabog ang nahuling fishing vessel malapit sa Payao sa Mamburao at ang masaklap aniyay 20% lamang ng mga isda ang kanilang nahuli habang ang nalalabing 80% ay nasayang lamang dahil lumubog lamang ang mga ito sa ilalim ng tubig.

Sa 13 commercial fishing vessels na nahuli, anim dito ang nahuli sa Ragay Gulf, lima sa Albay at tig- isa sa Masbate at Mamburao.

Lahat ng mga bangkang pangisda ay lumabag sa Section 86 (fishing without license) at Section 104 (employing unlicensed crew) ng Fisheries Code of 1998 or RA 8550.

Karagdagan dito, ang mga nahuling fishing vessel sa Mamburao ay lumabag din sa Sec. 88 o ang paggamit ng dinamita sa pangingisda habang iyong isang nahuli sa Masbate ay nilabag ang Sec. 93 o paggamit ng superlights ng RA 8550.

Sa ilalim ng batas may kulong na lima hanggang sampung taon ang sinomang mangingisda na mapapatunayang gumagamit ng pampasabog o dinamita at kukumpiskahin ang kanilang mga nahuli at mga kagamitan sa pangingisda.

Ang pggamit naman ng mga superlights sa katubigan ng bawat munisipalidad ay makukulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon o multang P5,000.00 bawat superlight o pareho depende sa ihahatol ng korte. Makukumpiska rin ang superlight, mga kagamitan sa pangingisda at kanilang mga nahuling isda.

Pagmumultahin naman ng katumbas ng halaga ng mga nahuling isda o P10,000 sa sinomang mahuhuling walang permit mula sa lokal na pamahalaan o kaya ay kulong ng hanggang anim na buwan at kumpiskasyon at kanselasyon ng lisensiya.

Ang mga owner/operator ng commercial fishing vessel ay pagmumultahin ng P500 bawat buwan katumbas ng bawat tauhang mahuhuling hindi lisensiyado sa pangingisda o P1,000.00 kada buwan sa bawat hindi lisensiyadong tauhan na pumapalaot sa pangingisda.

Nakatakdang ikakalat ng BFAR ang kanilang Law Enforcement Quick Response Team sa may 16 regional offices nila sa buong bansa at sa kanilang head office upang masawata ang illegal fishing sa bansa.

Kaugnay nito, sa pagbubukas ng Fish Conservation Week program sa Quezon City, tinalakay ang masamang epekto ng iligal na pangingisda.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply