14 NPC officials abswelto sa Manansala mural

IBINASURA na ng Court of Appeals (CA) ang kasong kriminal na inihain laban sa 14 dating opisyal ng National Press Club (NPC) kaugnay ng kontrobersyal na pagbenta sa Vicente Manansala mural paintings.

Una rito, maalalang ibinenta ang naturang mural sa Heritage Galleries noong taong 2006 sa halagang P10 million sa ilalim ng liderato ng NPC president na si Roy Mabasa.

Subalit hindi ito nagustuhan ng Government Service Insurance System (GSIS), na siya umanong nagmamay-ari ng mural na naghabla ng kaso.

Sa depensa naman ng NPC, napasakamay ng organisasyon ang mural sa pamamagitan ng Letter of Instructions No. 500 na inisyu ni dating yumaong Pangulong Ferdinand Marcos noong 1977 na nag-aatas sa GSIS na ibigay ang mural bilang donasyon sa NPC.

Liban kay Mabasa, ang iba pang ipinagharap ng kaso at nilinis ng CA ay sina Benny Antiporda, Louie Logarta, Amor Virata, Jun Cobarrubias, Jerry Yap, Alvin Feliciano, Joey Venancia, William Depasupil, Dennis Fetalino, Joel Sy Egco, Conrad Generoso, Rolly Gonzalo at Samuel Julian.

Ang desisyon ng CA thirteenth division ay batay sa 14-pahinang resolusyon na sinulat ni Associate Justice Priscilla Baltazar-Padilla, na pinaboran din nina Associate Justices Fernanda Lampas-Peralta at Agnes Reyes-Carpio.

Ang pinagbasehan ng CA ay ang inisyung order ni dating Justice Secretary Alberto Agra noong Hunyo 11, 2010, upang i-withdraw ang kanyang naunang resolution na nag-aatas ng paghahain ng kaso sa mga nabanggit na NPC officials.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply