2 holdaper todas matapos mangulimbat sa jeep

BUMULAGTA ang dalawang holdaper  matapos na makaengkuwentro ang  Anti-Crime Unit Commander ng MPD-Station 2  habang nakatakas naman ang dalawa pa nang holdapin ang isang pampasaherong jeep kagabi (Oktubre 14) sa Tondo, Maynila.

Nakilala ang mga holdaper na napatay na sina Rommel Lerios, 46, habang inilarawan naman  ang isa na nasa edad na 25-30, 5’0 ang taas, long hair, nakasuot ng gray jacket, blue t-shirt at red short pants.

Nakatakas naman ang dalawa pa nilang kasamahan na armado ng ‘di mabatid na kalibre ng baril.

Sa report ni PO3 Alonzo Layugan, dakong alas-10:30 kagabi nang maganap ang insidente sa Juan Luna st., Tondo, Maynila.

Nauna rito, binabagtas umano ng mga biktima na sina Mary Ann Diga, 26, Celso Mijares, 26, Marlon Mendoza, 24, at Roderick Ignacio, 29, ang kahabaan ng Juan Luna sakay ng pampasaherong jeep na may biyaheng Divisoria-Gasak/Navotas.

Pagsapit umano sa may P. Rada st. ay pumara ang apat na suspek at nagpanggap na pasahero ngunit makalipas lamang ng ilang minuto ay agad na nagdeklara ng holdap at isa-isang nilimas ang mga pera, cellphone at mahahalagang  gamit ng mga biktima.

Nang makulimbat lahat ang gamit ng mga pasahero ay bumaba ang mga suspek  na kaswal lang na naglakad nang tiyempo namang nasa lugar ang MPD Anti-Crime Unit Station Commander P/Supt. Jemar Modequillo at napansin nito ang mga suspek na may bitbit na mga armas kaya sinita niya ang mga ito.

Imbes na huminto ang mga suspek ay agad na tinutukan si Modequillo dahilan upang bumunot ng armas ang huli at tamaan at mapatay ang dalawa sa mga holdaper.

Narekober naman ang mga pera, cellphone at mahahalagang gamit ng mga biktima.

Gayundin, nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang .38 kalibre ng baril ng dalawang napatay na holdaper.

Dinala ang mga labi ng mga suspek sa Cruz Funeral parlor para sa autopsy at safekeeping. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply