2 suspek sa UPLB student rape-slay natiklo

BUMAGSAK sa kamay ng pulisya ang isang security guard na sangkot umano sa brutal na pagpatay sa isang University of the Philippines Los Baños (UPLB) student scholar ilang araw na ang nakararaan, ayon sa ulat ng pulisya kaninang umaga.

Sinabi ni Laguna police chief Senior Superintendent Gilbert Cruz na naaresto kahapon (Oktubre 13) ang suspek na si Lester Ivan Lopez Rivera, security guard ng bangko at nadakip matapos inguso ng tricycle driver na si Percical de Guzman.

“Kahapon meron tayong nakuhang isang suspect diyan, tricycle driver, at sasakyan na ginamit sa pag-abduct at pagtapon sa pinagpatayan ng bata,” pahayag ni Cruz.

Hindi naman idinetalye ni Cruz kung paano at saan naaresto si Rivera at maging si De Guzman na kapwa nahaharap ngayon sa kasong murder.

Nangangalap pa ang mga tauhan ni si Cruz ng mga kongkretong ebidensya para madiin sina Rivera at de Guzman sa kasong panggagahasa dahil ang biktimang si Given Grace Cebanico, 19, ay nakitaan ng mga senyales na ginahasa bago pinatay.

Nawawala rin ang mga personal na gamit ng biktima tulad ng wallet, alahas at cellphone kaya hinala ng pulisya na pinagnakawan pa ito bago ginahasa at saka inabandona sa isang masukal na parte ng IPB road sa UPLB area nitong nakaraang Martes (Oktubre 11).

Nadiskubre ang bangkay ng biktima na nakadapa sa isang matalahib na lugar na ilang metro lamang ang layo sa UPLB compound na ang dalawang kamay ay nakaposas ng palatikod.

Nakitaan din ito ng mga pasa rin sa dalawang braso at lalo na sa kanyang dalawang hita na ayon sa pulisya ay senyales na pinagtulungan ito ng dalawa hanggang tatlong katao at palatandaan din na ito ay nanlaban at hinalay.

Bukod pa rito, may isang tama ito ng bala ng hindi pa malamang baril sa likod ng katawan at wala na rin itong suot na underwear at ang bra nito ay nakalupaypay sa kanyang dibdib. Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply