3-year fixed term sa AFP chief ratipikado na

RATIPIKADO na ng Kamara de Representantes ang pinagsamang bersyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso ukol sa pagbibigay ng “fixed terms of office” sa matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nagkasundo ang mayorya ng miyembro ng Kamara na aprubahan ang consolidated version ng House Bill 6 at Senate Bill 2869 batay na rin sa naunang kasunduan  sa bicameral conference committee.

Nakapaloob dito na gagawin ng permanente hanggang tatlong taon ang termino ng itatalagang AFP Chief of Staff at dalawang taon naman para sa mga kumander ng Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Air Force.

Ang nasabing panukala ay kabilang sa prayoridad ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang unang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) Meeting.

Sa ilalim ng panukala ay mananatiling aktibo ang AFP chief sa serbisyo higit pa sa kanyang mandatory retirement age na 56 upang hayaan muna itong matapos ang kanyang tatlong taong termino.

Pinapayagan din ang Pangulo na magtalaga ng opisyal na mayroon pang dalawa o higit pang taong aktibo sa serbisyo para sa mataas na posisyon sa pangunahing sangay ng AFP at ang pangulo pa rin ang may kapangyarihan bilang Commander in Chief na mag-alis sa AFP chief at commanders.

Matapos itong ratipikahan ng Kamara at Senado ay isasalang naman sa paglagda ni Pangulong Aquino upang ganap na maging batas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply