31 namatay sa leptospirosis– DOH

NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng 31 namatay sa sakit ng leptospirosis sa bansa dahil sa paglusong sa maruming tubig baha.

Dahil sa magkasunod na bagyo, mariing pinayuhan ni Center for Health and Development (CHD)-National Capital Region Director Dr. Eduardo Janairo ang publiko na mag-ingat sa sa sakit na leptospirosis.

Sinabi ni Dr. Janairo na triple ang itinaas ng kaso ng leptospirosis sa Metro Manila mula sa datos ng kanilang Regional Epidemiology and Surveillance Unit. Mula sa 130 na kaso noong nakaraang taon, umabot na ito sa 391 mula Enero hanggang Setyembre 8, 2011 kung saan 31 rito ang namatay.

“Ang sakit na leptospirosis ay dulot ng mga daga. Mapanganib ang sakit na ito dahil maaring makuha ito ng mga tao sa tubig na may ihi ng daga. Sa sandaling pumasok ito sa katawan ng tao sa pamamagitan ng sugat, maaaing magkaroon ng mataas na lagnat, pananakit ng kasukasuan, pagkahilo, at pananakit ng kasukasuan. Kung sakaling magkaroon ng kumplikasyon, maaaring mahirapan sa pag-ihi, sa paghinga, at maaaring makamatay,” paliwanag ni Janairo.

Karamihan sa mga nagkasakit ng leptospirosis ay mula sa edad na 15 hanggang 30 na nagtala ng 159 na kaso.

Payo ng opisyal sa publiko, “Iwasang lumangoy o maglaro sa baha lalo na kung may sugat. Kung sakaling hindi maiiwasan, magsuot ng bota at kung wala ay linising mabuti ang parte ng katawan na nalusong sa baha.

Kaniya ring inatasan ang mga ospital sa Metro Manila na kaagad gamutin ang mga pasyenteng may mataas na lagnat at bigyan ng Rapid Diagnostic Test (RDT) ang mga nagpapagamot. Nagagamot ang sakit na leptospirosis kung naagapan, ayon kay Janairo

Sa Metro Manila, ang mga nangungunang lungsod sa dami ng bilang ng kaso ng leptospirosis ay ang: Maynila, 79; Quezon City, 76; Caloocan City, 3; Malabon, 4; Navotas, 27; Paranaque, 22; Valenzuela, 21; Pasay, 19; Makati, 12; Las Pinas, 10; at Taguig, 10. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply