50% discount sa edad 100 pataas aprub sa Kamara

INAPRUBAHAN na ng House Committee on Ways and Means ang panukalang “Centenarians Act of 2010” na magbibigay ng 50% diskuwento at value-added tax exemption sa mga pangunahing produkto at serbisyo para sa mga Filipino centenarians o yaong nasa 100 taong gulang pataas.

Ang House Bill 834 o “Centenarians Act of 2010” na inihain ni Minority Leader Edcel Lagman na una nang ipinasa ng House Committee on Population and Family Relation, ay ini-refer sa Committee on Ways and Means para sa pag-apruba ng tax provision na nakapaloob sa Section 5 ng panukalang batas.

Nakasaad sa Section 5 ng panukala na ang lahat ng centenarians ay mabibiyayaan ng 50% discount at exemption sa VAT sa mga produkto at serbisyo.

Batay sa impormasyong ibinigay sa komite ni Elsa Agustin, isang economist mula sa Department of Finance (DOF), nasa 8,000 ang bilang ng mga Filipino centenarians base na rin sa 2010 estimate ng National Statistics Office (NSO).

Nanawagan naman si Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, committee vice chairman sa Kongreso, na agad ipasa ang panukala upang mapakinabangan naman ng mga centenarians.

“The approval is a gesture of recognition of our centenarians for living a healthy lifestyle and to help them in their economic condition,” ayon kay Umali.

Sinabi naman ni Agustin na sinusuportahan ng DOF ang panukala na mas pinaboran ang pagbibigay na lamang ng P100,000 cash gift sa bawat centenarian sa halip na bigyan ng VAT exemption.

“The P100,000 cash gift is a more transparent form of subsidy for centenarians. There has been a huge leak in the VAT implementation,” ani Agustin.

Nakapaloob sa Section 2 ng panukala na ang sinumang Pinoy na umabot sa kanyang ika-100 kaarawan ay bibigyan ng letter of felicitation mula sa Presidente ng Pilipinas para batiin ito at bigyan ng Centenarian’s Gift na P100,000 na kukunin mula sa Contingency Fund. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply