9-anyos babae, ginahasa, pinatay sa simbahan

HINIHINALANG ginahasa muna bago pinatay ang 9-anyos na batang babae bago itinapon makaraang matagpuan ang bangkay nito sa likod ng isang simbahan sa Muntinlupa City kahapon, Oktubre 27.

Nakapulupot pa sa leeg ni Sophia de Guzman, Grade 3 pupil at residente ng Blk 6 Lot 57 Bitongol St., Lauan, Ridgeview 2, Victoria Homes, Barangay Tunasan ang berdeng kawad na ginamit na pambigti nang madiskubre nina Jeric Terio, 18 at Emmanuel Regala, 16 sa likurang bahagi ng L’Annuziata Parish Church sa Long Beach Drive RV1 Creekside, Victoria Homes, pasado alas-8 ng umaga.

Malaki naman ang hinala ni Sr. Supt. Ramiro Bausa, hepe ng Muntinlupa police na biktima ng panggagahasa ang bata dahil nakababa ng hanggang tuhod ang kanyang suot na short pants at panty at bali pa ang kaliwang kamay na palatandaan ng panlalaban nang matagpuang nakatihaya sa masukal na bahagi sa naturang lugar.

Napag-alaman sa pagsisiyasat ng pulisya na huling nakitang buhay ang biktima ng kanyang mga kapitbahay noong Miyerkules ng umaga habang nag-aalok ng mga panindang segundamanong mga damit o ukay-ukay.

Naging ugali na umano ng bata na tumulong sa paghahanapbuhay sa pamamagitan ng pagtitinda upang may ipantustos sa kanyang pag-aaral.

Labis naman ang pagdadalamhati ng ina ng biktimang itinago sa pangalang Abbey na hindi rin napigilan ang pagsisisi sa pagpayag na makalabas ng bahay ang kanyang anak.

Isinailalim naman sa pagsisiyasat ni Chief Insp. Romanita Bulanon, hepe ng Women and Children’s Protection Desk ang dalawang binatilyong nakadiskubre sa bangkay ng biktima upang matiyak kung wala silang kinalaman sa krimen.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply