AFP top brass igigisa sa Basilan carnage

HINILING ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV  sa Senado na imbestigahan ang maaaring naging kapabayaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa naganap na madugong engkuwentro ng militar at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na ikinamatay ng 34 katao, kabilang ang 29 sundalo nitong nakaraang linggo.

“Someone has to be made accountable for the deaths of our troops in Mindanao. Possible operational and tactical lapses on the part of the AFP might have led to the death of our soldiers, which to my count has reached at least 29 soldiers in the recent clashes,” ani Trillanes, isang dating opisyal ng Philippine Navy.

Sinabi ni Trillanes na dapat busisiin ang posibleng pananagutan ng pamunuan ng MILF kaugnay ng madugong engkwentro na nangyari habang may nagaganap na usapang pangkapayapaan sa pamahalaan at MILF.

Nitong Lunes (Oktubre 24), naghain si Trillanes ng resolusyon na nag-uutos sa Committee on National Defense and Security at Committee on Peace, Unification and Reconciliation na imbestigahan ang pangyayari sa likod ng engkuwentro ng militar at MILF sa gitna ng peace talks.

Binigyang-diin ng senador ang naganap na labanan sa Barangay Cambug sa bayan ng Al-Barka, Basilan, isang kilalalang balwarte ng MILF.  May balitang ang mga tropa ng Special Forces ng Philippine Army ay biglaang pinapunta sa nasabing lugar upang beripikahin ang mga ulat na ang grupo ni Dan Lakaw Asnawi ng MILF ay may mga hawak na biktima ng hold-up.

Ayon sa AFP, ang grupo ni Asnawi ay kabilang sa mga responsable sa pagpugot sa 14 na Marines na nangyari sa Barangay Ginanta, Al-Barka noong 2007.

“We also need to confirm the reports that many of the soldiers involved were allegedly undergoing scuba diving training for the Special Forces when they were hastily ordered to pursue – on behalf of the police – MILF Commander Dan Laksaw Asnawi,” diin pa ni Trillanes.

Sinisisi naman ng MILF ang militar sa nangyari dahil sa ginawa nitong pag-atake sa kanilang nasasakupan na labag sa probisyon ng ceasefire agreement ng pamahalaan at MILF.

Sa ilalim ng ceasefire agreement, ang tropa ng militar ay kinakailangan munang makipag-ugnayan sa MILF at ipagbigay alam sa mga ito ang kanilang pinaplanong operasyon sa nasasakupan ng grupo para maghanap ng mga kriminal upang maiwasan ang ‘di inaasahang engkuwentro.

“There is an urgent and imperative need to inquire into and investigate the foregoing incidents in order to put into place the appropriate mechanisms and policies relating to the ongoing peace negotiations with the MILF with the end in view of preventing similar incidents in the future,” idinagdag pa ni Trillanes. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply