Aljur itinangging mas pinili ang Robin Padilla movie compared sa ‘Panday’

ITINANGGI ni Aljur Abrenica ang balita na umano’y mas pinili niya na makasama sa 2011 Metro Manila Film Festival movie entry ni Robin Padilla dahil kay Kyle Padilla kaya inayawan niya ang “Panday 2” ni Sen. Bong Revilla.

“Walang pilian yun. Parehas ko silang tinanggap. Yung Panday kasi nakapag-shoot na ako.

“Tapos pumunta ako ng States. Nagkaroon ng conflict sa schedule kaya kailangan kong i-give up.

“Hindi totoo na mas pinili ko yung movie with Kuya Robin,” sagot niya.

Okey lang kay Aljur kung pinalitan siya ni Alden Richards na sinasabing magiging John Lloyd Cruz ng GMA-7 dahil bukod sa magkahawig ay marunong umarte.

“Well, nung nalaman ko na si Alden yung pumalit sa akin, natuwa ako. Kaibigan ko si Alden at saka pangalawa, magaling siya. So, alam ko talaga na para sa kanya ang Panday,” ani Aljur.

Samantala, live na mapapanood si Aljur sa October 15 sa Zirkoh, Tomas Morato.

Isa siya sa tatlong naggagwapuhang artista ng tatlong networks ang magsasama-sama sa iisang show na pinamagatang THE YUMMIES.

Mula sa Kapamilya, Pilipinas Got Talent Finalist na si Markki Stroem, at sa Kapatid Network na si Edgar Allan Guzman na Best Actor ng Cinemalaya at tinaguriang New Prince of Indie. Panalo ang show na ito dahil kasama rin ang pinaka-yummies sa kanilang lahat na sina Wally Bayola at Jose Manalo.

So, hindi ka lang patatawanin kundi pakikiligin pa ng mga hunks na ito.

Di ba Mamalits at Julie B?

-0o0-

PATULOY ang pag-abot ni Kim Chiu ng kanyang mga pangarap. Matapos makapagpatayo ng kanyang ‘dream house,’ may ilan pa siyang ipinapanalanging matupad.

“Natupad ko na ‘yung isa kong pangarap, ang makapagpatayo ng sarili naming bahay.

“Ngayon, pangarap ko namang makapagsimula ng magandang negosyo,” sambit ni Kim.

Bongga!

-0o0-

NOONG Setyembre 30, kakaibang kasiyahan ang ibinigay ng sikat na game show na Wil Time Bigtime sa pamilya ng mga OFW sa Middle East.

Sa pamamagitan ng isang promo na inilunsad ng Kapatid TV5, ang international channel ng TV5 at ng kanilang Middle East media partner na OSN, nagkaroon ng pagkakataon ang mga Kapatid nating OFW na mabigyan ng isang ‘Bigtime’ na regalo ang kanilang mga kamag-anak dito sa Pilipinas.

Nabigyan sila ng mga VIP tickets at ng pagkakataon na makita ng malapitan ang paborito nilang host na si Willie Revilliame.

Bukod sa mga tickets may mga espesyal na banner na hinanda para sa kanila at isang photowall kung saan pwede silang magpa-picture na parang isang celebrity.

Bilang pasasalamat sa kanilang walang-sawang pagsuporta sa Kapatid TV5 at Wil Time Bigtime, ang mga nagwaging subscribers naman sa Middle East ay nakatanggap din ng mga regalo mula mismo kay Willie.

Mula nang inilunsad ang dalawang channels ng TV5 sa Middle East, higit sa 200,000 Filipino sa rehiyon ang ngayo’y nakatutok na sa mga programa ng Kapatid TV5 at Aksyon TV International.

Sa patuloy na pag-anggat ng international channels ng TV5, inaasahang mas marami pang mga events at contest na gaya nito ang dapat abangan ng mga Pinoy Kapatids sa Middle East sa mga susunod na buwan.

Samantala, handing-handa na ang ‘Wil Time Big Time’ sa nalalapit na unang anibersaryo nito sa Smart Araneta Coliseum sa October 22. Sinisigurado nila ang security ng mga manonood kaya ito ang madalas nilang pag-meetingan. Lagi ring ipinapaalala ni Wil na huwag nang pumila ang mga matatanda, mga buntis at huwag nang magsama ng mga bata.

‘Yun na!

-0o0-

TENSYONADO ang talent manager at producer ng “Batang Ifugao” na si Boy Pilapil nang makita namin dahil na-x ng MTRCB ang poster ng naturang indie movie na pinagbibidahan ni Norris John. Poster pa lang ay pinag-iinitan na, what more pa kaya sa pelikula? Matitindi pa naman ang boy to boy na love scene dito at lampungan nina Norris at Sofia Lee.  Makaligtas sana ito sa matalas na gunting ng MTRCB.

Sa October 19 ang showing ng movie na kinunan ang kabuuan nito sa Banaue Rice Terraces at kasama sa pelikula ang mga palaban ding sina Lorraine Lopez, Ralf Louie, Winston de Dios, Alex Madrid, Alvin Enriquez, Ferdie Montes at Angela Ruiz.

Kaabang-abang ang mall tour ng Batang Ifugao kung saan sasayaw at kakanta sina Norris John at Sofia Lee na naka-Ifugao costume.

Magsu-show ang Batang Ifugao sa October 15, 4 p.m. sa Diamond Arcade sa Cubao. Nasa Isetann-Recto naman sila sa October 15. Mapanonood ang trailer ng Batang Ifugao sa YouTube.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply