Ano ang kwenta?

NAGING malaking isyu ang ‘di agad pagpunta ni Pangulong Noynoy Aquino sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Pedring.

Maraming natanggap na batikos si PNoy.

Noon namang nakapunta na siya ay nabatikos pa rin dahil late na nga raw ang pagbisita niya.

Ang sabi ng marami, kung hindi pa napuntirya ng batikos ang Pangulo ay hindi pa siya pupunta para silipin man lang ang mga kababayan na naghihirap dahil sa tindi ng mga pagbaha.

Ang tingin ko naman ay concerned si PNoy sa mga kababayan natin na nasalanta ng bagyo.

‘Di man agad siya nakapunta sa mga disaster area ay sigurado na mino-monitor niya ang sitwasyon at sa kanya ngang leadership style ay ginawa niya ang dapat.

Pero hindi na isyu at hindi na dapat pagdebatehan ang pagpunta o hindi ni Aquino sa mga nasalantang lugar.

Ang importante ay kung ano na ang mga susunod na dapat gawin ng pamahalaan para hindi na maulit ang nangyari o kaya naman ay kung ano ang dapat gawin para maging mas handa na  tayo  mangyari  man ulit ang kaparehong sitwasyon.

Marami raw iniutos si PNoy sa mga pinuno ng mga ahensya ng kanyang gobyerno bilang reaksyon sa mga nakita niyang pinsala partikular sa lalawigan ng Pangasinan, Pampanga at Bulacan.

Tuwang-tuwa naman ang mga lokal na lider ng mga nabanggit na lalawigan dahil nga mismong ang Pangulo na ang nag-utos ng mga dapat na gawing pag-aayos.

Sana naman ay maisagawa ang utos ni PNoy bago pa man dumating ang mga susunod pang malalakas na pag-ulan.

Dahil kung walang pagbabago, kung walang maiaayos, ay ano pa ang kuwenta na nagpunta pa ang Pangulo sa mga lugar na nasalanta ni Pedring.

Sa gitna ng lahat ng ito, bigyang panahon din natin ang pagpuri sa galing ng Pinoy sa panahon ng sakuna at trahedya.

Napakaraming nagpunta para tumulong sa mga nasalanta, nagdala ng pagkain at damit, nag-alay ng inspirasyon at lakas ng loob.

Pasalamatan natin ang mga indibidwal, mga private institution, pati na rin ang media, na dumamay sa ating mga kababayan.

Ipagbunyi natin ang kultura ng “bayanihan” at ipagdasal natin ang Pilipinas at mga Filipino.

oOo

Mag text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply