Anomalya sa kapitolyo ng lalawigan ng Bulacan (2)

ANG annual budget ng provincial government ng Bulacan ay umaabot sa 2.7 billion pesos. Malaking halaga at kung gagamitin nang wasto at maayos ay makatutugon sa mahigpit na pangangailangan ng mga Bulakenyo sa iba’t ibang larangan ng kabuhayan.

Ang tuwid na daan na ipinagmamalaki ni PNoy ay hindi nangyayari sa Bulacan. Binagyo na nga at nasira ang daan at mga lansangan, baluktot pa rin ang pamamahala ng mga tiwaling opisyal sa kapitolyo.

Biruin mo, 49 na milyong piso ang biniling mga gamot –pero, 13 milyon lamang ang binayaran sa supplier. Ang 36 na milyon ay kinulimbat ng mga Herodes. Dito ay maliwanag na kasapakat at kasangkot ang mga tauhan ng COA – Commission on Audit.

Ang main office ng COA ay dapat mag-imbestiga at nang lumitaw ang katotohanan.

Ang napakasakit pa, Kuya Eddie, balak pa ng provincial government ng Bulacan na umutang ng 1.7 billion pesos sa PNB – Philippine National Bank o DBP – Development Bank of the Philippines.

Ang pag-utang ay pinagtibay na ng Sangguniang Panlalawigan sapagkat, hindi pa lumalabas ang utang ay kargado na ang 13 bokal at pinangakuan pa ng tig-5 milyong pisong CDF – Community Development Funds.

Ang sabi nga ng isang bokal: “aba ayos, sa wakas ay nagkaroon din ng mantika ang aking nguso.”

Ang negosyo sa tarpolin ay kopo ng isang bokal, kaya naman sa kanyang bayan, kahit na  walang eleksiyon ay namumutiktik sa mga poste ng kuryente at punungkahoy ang larawan ng kanyang mukha.

Ano naman itong reimbursement na 1 million peso para sa bigas ng NFA – National Food Authority? Ang ibig sabihin ng reimbursement ay   magpapaluwal ka muna.

Eh, paano ka mag-rereimburse kung wala ka namang ipinaluwal na pera?

Kailangan kasi sa mga Bulakenyo ay nagtatanong at nag-uusisa kung paano ginagasta ang pera ng bayan.

Hindi pwede na kampante at kukuya-kuyakoy sa ilalim ng puno ng mangga.

Hindi tayo dapat na matakot – nasa ating panig ang katotohanan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply