Anomalya sa PGH ibinulgar sa Kamara

PINAGBIBITIW ng mga kongresista ang director ng Philippine General Hospital (PGH) na si Dr. Jose Gonzales.

Ito ay matapos ibulgar ni Manila Rep. Bagatsing ang anomalya sa PGH ukol sa halos paglusaw sa pondo ng mga kongresista na nanggaling sa kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.

Ayon kay Bagatsing, hindi masagot ni Gonzales ang kanyang mga tanong nang dalawin niya ito sa PGH kanina lamang kaugnay sa pagkawala ng pondong P6.5 milyon mula sa PDAF.

Isinalaysay ni Bagatsing sa kanyang talumpati na batay sa huling impormasyon niya mula sa PGH ay nasa P4 milyon pa ang kanyang pondo dito at upang maagapan ay naglagak pa siya ng karagdagang P2.5 milyon.

Subalit nitong isang linggo lamang ay isang constituent niya ang nagtungo sa PGH bitbit ang guarantee letter mula sa kanyang tanggapan subalit ito ay tinanggihan ng nasabing ospital.

Bumalik aniya ang pasyente upang sabihin na wala nang pondo ang kongresista at ang totoo ay may pagkakautang pa ito na mahigit sa P2 milyon.

Sa inis ng kongresista ay personal niyang pinuntahan si Gonzales at sinisi pa umano siya dahil sa paglalagay ng pondo ng mga politiko sa PGH.

Inayunan din ni Siquijor Rep. Rolando Fua ang panawagan ni Bagatsing sa pagsasabing hindi na dapat hintayin pa ang resolusyon upang si Gonzales ay magbitiw kundi dapat din itong maimbestigahan agad.

Ipinakita pa umano kay Bagatsing ang guarantee letter para sa isang pasyente na may kanser na P450,000 ang alokasyon gayung hindi naman umano siya nagbibigay ng ganito kalaking halaga.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply