Aral ng bagyo

SA tuwing umuulan at bumabagyo, ang suliranin natin ay laging pare-pareho.

Laging walang evacuation center. Laging walang pagkain sa mga nasalanta.
Laging walang gamot sa mga maysakit.

Laging walang pondo ang pamahalaan sa kabila ng trilyon-trilyong salapi sa ating budget.

At laging walang naparuru-sahan kaugnay ng maling pag-aayos ng ating kalikasan.

Sariwa pa sa atin ang alaala ng bagyong Ondoy na kung saan lumubog sa tubig at basura ang Metro Manila. Sinisi ng karamihan ang maling pagbubukas ng mga dam nang walang patumangga na siyang lumunod at pumatay sa kay raming mamamayan.

May naparusahan ba? Wala.

Ngayong dumating ang dalawang bagyo nitong Setyembre, mga dam na naman ang itinuturong sanhi ng baha sa Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Pangasinan, Ilocos region, Aurora, Tarlac, Cagayan at iba pang mga lalawigan.

May parurusahan ba?

Palagay ko ay wala.

Ang sagot ng Palasyo ay pag-aaralan nila kung paano ima-manage ang mga dam.

Wala nang katapusang pag-aaral ang tila gusto nilang gawin.

Samantala, patuloy ang pangangahoy ng mga illegal logger sa ating mga kabundukan.

Bukod sa baha ay landslide ang dinudulot ng ulan na siya namang dahilan kung bakit mga bahay at mga naninirahan diyan ang napapahamak.

May narinig na ba kayo sa ating mga taga-gobyerno na ipakukulong nila ang mga illegal logger? Wala!

At sa kasagsagan nitong nakaraang bagyo, mukhang nagbibingi-bingihan na ang Department of Education at ilang senador sa panukala nilang ilipat sa Setyembre ang pasok sa paaralan sa halip na Hunyo na kasalukuyang sistema ng enrolment.

Biglang natahimik ang ating mga educator at mga mambabatas sa pagpipilit nilang gawing Setyembre ang takdang pasukan sa mga eskuwelahan.

Setyembre ang gusto ng mga mayayaman nating opisyal ng pamahalaan dahil ito rin ang umpisa ng school year sa America.

Walang pinipili ang bagyo  na buwan ng pagdating nito.

Alam natin itong lahat, pero tuwing may bagyo at may baha, ang public schools ang ginagamit ng Department of Education para sa evacuation.

Kayrami nang paaralan at gamit sa pag-aaral ang nasira dahil sa sistemang ito na kung saan ay ginagawang evacuation center ang mga classroom.

Sana, ang pamahalaan naman ay mag-construct  ng permanent evacuation sites para hindi naman lubhang naaapektuhan ang mga kawawang mag-aaral
natin.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply