Areglado Robredo

SA TAGAL ko na bilang isang mamamahayag, mula pa sa panahon na ako ay isang Police Reporter ng DZBB sa hatinggabi, hanggang maging Managing Editor ng ABS-CBN News and Current Affairs at magretiro rito, hindi pa ako nakakikita ng isang opisyal na pumila sa kahit na anong bagay kahit saan.

Pero biglang nasorpresa ako noong nakaraang Miyerkules nang makasabay ko sa NAIA Terminal 3 si DILG Secretary Jesse Robredo. Dahil magulo ang PAL, sa Terminal 3 nalipat ang flight ko patungong Palawan at naurong pa ng mas maaga ng dalawang oras.

Dagsa ang tao sa PAL booths doon at matagal at mabagal ang proseso dahil mukhag mga bagong tauhan ng PAL ang umaasikaso sa mga pasahero.

Pero sa gitna ng lahat ng ito, nakita ko sa likod ng pila ang Secretary ng DILG na matiyagang naghihintay ng kanyang turn sa takilyera ng PAL. Ang nakatutuwa, halos walang nakakikilala sa kanya at hindi niya ito pinapansin.

Dahil dito, nilapitan ko ang Kalihim at tinanong kung saan siya pupunta. Sa Marinduque raw at may kailangang asikasuhin sa ilang bayan doon. Balikan lang din daw siya dahil haharapin pa niya kinabukasan ang plano para sa paglikas ng mga taga-Maynila ngayong Undas patungong probinsiya.

Mahaba, matagal at yun mismong ordinaryong tao ay naiirita na, pero si Robredo, tahimik at nakangiti lang sa pila niya.

Maski doon sa security check at metal detector, nagtanggal ng sapatos at laman ng bulsa si Robredo at nagpa-body check sa airport security.

Kung sana kahit kalahati ng mga opisyal ng gobyerno natin ay ganito umasta at mag-isip, baka may marating na tayo ano?

Pero yung isang mukhang Congressman sa gilid na kumaway pa, tuloy-tuloy palampas sa lahat ng naghihintay na parang siya ang may-ari ng airport.

Hay buhay galunggong!!!

Technical smuggling

Kinumpirma pala ng mga kai-bigan ko sa Customs na laganap pa rin ang technical smuggling sa pagpapasok ng mga kotse sa bansa.

Sa kuwento nila, yung declared value ng mga kotse sa Customs ay kakarampot sa tunay na halaga nito para mababa ang tax na babayaran nila.

Ayos na sana yun, kaya lang, pag ibinenta sa atin akala mo totoong buwis yung binayaran nila sa mahal ng mga kotse nila.

At eto ang matindi, yung mga gumagawa nito ay yung mga mamahaling klase, yun bang mga nakikita mo sa mga pelikulang tulad ng Ironman.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply