Azkals mananagpang sa friendly game

HINDI mababahag ang buntot ng Philippine football team Azkals kahit mas mataas sa kanila ang Nepal sa FIFA rankings.

Optimistiko si team manager Dan Palami na pahihirapan ng Azkals ang Nepal dahil sa pagkakaroon ng solidong line-up.

Maghaharap ang Nationals at Nepal bukas ng gabi, (Oktubre 11) sa magaganap na FIFA-sanctioned friendly game sa Rizal Memorial Football Stadium kung saan ito ang kauna-unahang pagkakataon na magho-host ang bansa ng isang friendly match sa nabanggit na stadium sa loob ng 14 na taon.

“We can’t just allow Nepal to come over here and dominate us.” sabi ni Palami. “We are not the favored team so we’re hopeful that we would get all the support at Rizal.”

Sumabak ang Azkals sa four-nation Long Teng Cup sa Kaohsiung, Taiwan noong Setyembre 30 hanggang Okubre 4 kung saan ay tumapos sila ng second place at pagkatapos ay dumayo sila sa Singapore para harapin ang host Lions sa isang friendly match na nagresulta sa pagkalugmok ng Pinoy booters sa iskor na 0-2.

Pang-135 ang Nepal sa world rankings habang ang Azkals ay nasa ika-166 subalit hindi nasisindak si Azkals co-team captain Chieffy Caligdong.

“Gagawin namin ang lahat ng magagawa para protektahan ang Rizal, teritoryo natin ito at pinaghirapan nating magkaroon ng ganitong chance.” pahayag ni Long Teng Cup Golden Boot awardee Caligdong.

Si Caligdong ang umiskor ng apat sa limang goals sa apat na matches sa Long Teng Cup.

Atat na atat na ring maglaro sa unang pagkakataon sa harap ng mga Pinoy home fans sina Fil-Danish standouts Dennis Cagara at Jerry Lucena.

“Our teammates have shared their stories of how good the feeling is playing in Rizal and we’re looking forward to it already.” sabi ni Cagara.

Maglalarong muli si Azkals defender Rob Gier upang samahan sina Fil-British goalkeeper Neil Etheridge, Fil-German Stephan Schrock, Ray Jonsson at Paul Mulders.

Ang ibang sisipa sa Azkals ay sina team skipper Aly Borromeo, mag-utol na Phil at James Younghusband, Lexton Moy, Angel Guirado, Ian Araneta, Ed Sacapano, Jason de Jong, Roel Gener, Matt Hartman, Reymark Fernandez, Misagh Bahadoran, Neckson Leonora at Nate Burkey.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply