Bagyong ‘Ramon’ mabubuo bukas

MAKARAANG tuluyang nakalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong “Pedring” at “Quiel” isang bagyo na naman ang posibleng mabubuo sa karagatang Pasipiko bukas (Oktubre 4).

Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Usec. Graciano Yumul, huling namataan ang low pressure area sa layong 530 kilometro sa hilagang silangan ng Visayas.

Kapag ito ay naging tropical depression, tatawagin itong “Ramon” at inaasahang hahagupitin nito ang Batanes area sa araw ng Biyernes o Sabado.

Malawak ang diametro ng naturang sama ng panahon kaya’t inaasahan na maaapektuhan nito ang buong Luzon na una nang sinalanta ng bagyong Pedring at Quiel.

Nakapaloob ito sa intertropical convergence zone kaya’t ngayon pa lamang ay nagkakaroon na ito ng epekto sa Southern Luzon, Bicol region, Visayas at Mindanao na siyang dahilan ng mga pag-ulan.

Kasabay nito ay nagbabala ang Philippine Athmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga residenteng nasa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas laban sa hagupit ng storm surge o malalakas na hampas ng alon sa dalampasigan dulot ng hanging habagat.

Samantala, patuloy na lumulobo ang bilang ng mga namamatay dahil sa magkasunod na pananalasa ng bagyong “Pedring” at “Quiel.”

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 61 na ang namatay at 58 dito ay mula sa bagyong “Pedring” habang tatlo naman dahil sa bagyong “Quiel.”

Nasa 34 na iba pa ang nawawala at karamihan sa mga ito ay mangingisda.

Sa ngayon nasa P8.6 bilyong na ang inisyal na pinsala at pinakamalaki ay mula sa agrikultura na umabot sa P7.5 bilyon na kinabibilangan ng mga pananim ng mga magsasaka tulad ng palay, mais, gulay at mga nasawak na palaisdaan.

Mahigit sa 42,000 bahay naman ang nasira kung saan mahigit sa 6,000 dito ang tuluyang nawasak.

Sa ngayon ay nasa 72 tulay at lansangan ang hindi pa rin madadaanan ng mga sasakayan dahil sa kung hindi natabunan ng baha ay na na-washout dahil sa landslides.

Nasa 2.6 milyon na residente ang patuloy na apektado ng kalamidad at karamihan sa mga ito ay mula sa Bulacan, Pampanga, Tarlac at Isabela. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply