Bagyong ‘Ramon’ tatama na sa kalupaan

INAASAHANG tatama na sa kalupaan ngayong umaga ang bagyong “Ramon” at mananalasa sa Southern Leyte.

Napanatili ng bagyo ang kanyang lakas at ito ay inaasahang tatama sa kalupaan sa pagitan ng alas-10:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali sa Southern Leyte.

Sa pinakahuling weather forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 80 kilometro silangan, hilagang-silangan ng Surigao City.

Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 80 kilometro bawat oras.

Kumikilos si “Ramon” sa direksiyong pahilagang kanluran sa bilis na 17 kilometro kada oras.

Bukas ng umaga, ang bagyo ay inaasahang nasa layong 40 kilometro hilagang-silangan ng Roxas City.

Sa Biyernes ng umaga naman, ito ay nasa 160 kilometro kanluran, hilagang-kanluran ng Calapan, Oriental Mindoro.

Nakataas ang public storm warning signal number 2 sa mga lalawigan ng Western Samar, Eastern Samar, Leyte Provinces, Biliran, Camotes Island, Northern Cebu, Bohol, Surigao del Norte, Siargao Island, Surigao del Sur, Dinagat Island, Camiguin Island at Agusan Del Norte.

Nasa signal number 1 ang mga lugar ng Marinduque, Mindoro Provinces, Romblon, Camarines Sur, Southern Quezon, Catanduanes, Albay, Burias Island, Sorsogon, Masbate, Ticao Island, Northern Samar, Panay Island, Guimaras, Negros Provinces, nalalabing bahagi ng Cebu, Siquijor Island, Misamis Oriental at Agusan del Sur.

Muli namang nagbabala ang PAGASA sa mga residente na nasa low-lying areas at mga bulubunduking lugar na mag-ingat sa posibleng flashflood at landslide dulot ng mga pag-ulan. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply