Bakbak-EVAT at kontra-bahang proyekto

MAY dalawang usapin na dapat na madaliing isagawa ng pamahalaan upang matugunan ang ilang malalaki at kagyat na problema ng mamamayan.

Isa ang pagbakbak sa Expanded Value Added Tax sa toll at paggawa ng mga imprastraktura laban sa baha.

Kapag naalis ang EVAT sa toll, kahit papaano ay makararamdam ng paggaan ng malaking gastusin sa kalsada ang mga negosyante na nagpapatakbo ng mga kalakal na kailangang-kailangan ng mamamayan.

Kailangan na kailangan na rin ang mga imprastraktura laban sa baha ngayon dahil sa epekto ng pagbabago ng klima.

Ayon sa mga siyentista, kapag magkaroon ng tag-araw, sobra-sobra na ang init at kapag nagkatag-ulan naman, sobra-sobra rin ang ulan.

Ang imprastraktura laban sa baha ang kailangan na ilapat at madaliing gawin.

Sapagkat mas napagtitiisan at naliligtasan natin ang mga sakuna na bunga ng mainit na tag-araw kaysa maulan at mabaha na tag-ulan.

BAKBAK-EVAT MAPUPURNADA?

Ang mayorya ng Senado ay matagal nang nagdesisyon laban sa pagpapataw ng EVAT sa mga toll ng mga highway sa bansa.

Pero sa Kamara, mapupurnada yata.

Ang balita kasi, mga Bro, may humarang sa aksyon ng  isang komite riyan na nag-apruba ng resolusyon laban sa EVAT.

Kung ano ang dahilan ng humarang ay hindi pa maliwanag.

TULAK NI PNOY

May nanghuhula na gusto ng mga humarang na ilapit kay PNoy ang resolusyon para gawin itong urgent bill.

Yun bang === gawin na itong panukala ng Palasyo upang mapabilis ang pag-apruba nito.

Pero sinasabi naman ng iba na hinaharang ito para magkapera ang pamahalaan ng bilyon-bilyong piso.

Mas mahalaga na magkapera ang gobyerno kahit mabibigatan nang todo ang mamamayan?

EVAT+TOLL NAPAKABIGAT

Sa totoo lang, mga Bro, sobra na ang taas ng mga toll, pagkatapos, eh, papatungan mo pa ito ng malaki ring halaga ng EVAT.

Mararamdaman mo ito kung ikaw ay negosyante at gagamitin mo ang mga highway ng kung ilang beses sa loob ng isang araw.

Sa mga pampasaherong sasakyan lamang, kung mag-round trip ng apat na beses ang mga ito, magkano ang babayaran nila sa toll at EVAT?

Eh paano ang mga delivery van at track na nagdadala ng mga kalakal ng kung ilang beses din sa loob ng isang araw?

MANHID DAHIL SA PORK BARREL

Dahil sa pagharang ng ilang nasa Kamara sa pag-aalis ng EVAT sa toll, bulong ng ating UZI na lumalabas ang pagkamanhid ng mga mambabatas sa nararanasan ng mamamayan.

Palibhasa, mga Bro, milyon-milyon ang pork barrel ng mga ito na pinagkukunan nila ng pambayad sa EVAT, maging sa toll kung dumaraan sila sa mga highway.

HINDI BOSS KUNDI BUSABOS

Kapag magpapatuloy ang  pagiging manhid sa hirap ng mamamayan ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan, ewan lang natin kung hindi tayo mapipilay sa paglalakad sa matuwid na daan.

Kung magpapatuloy ang mga opisyal sa pagbutas sa bulsa ng mamamayan na barya-barya na lang ang laman upang lalo silang makatiyak ng bork barrel sa pamamagitan ng EVAT, ewan natin kung saang putikan hahantong ang matuwid na daan.

Dumarami na nga ang nagsasabing ilusyon lamang ang pagturing sa mamamayan na siyang boss ng mga manhid at matatakaw sa pork barrel.

Baka sa huli, ang mga Boss ngayon ay busabos lamang pala ang turing sa kanila PNoy, hindi sana dito hahantong ang inyong pangarap para sa mga Pinoy.

P8 BILYON LABAN SA BAHA

Tama lang na maglaan si PNoy ng P8 bilyong pondo para sa mga imprastrakturang panlaban sa baha.

Dike laban sa baha, dredging o pagpapalalim sa mga ilog at pagtataas ng mga kalsada ang gagawin.

Okey tayo riyan.

P10B PINATUBO REHABILITATION

Pero dapat na bantayan nang husto ang paggawa sa mga proyekto.

Hindi dapat na matulad ito sa nakaraang rehabilitasyon ng dike ng Central Luzon makaraan ang pagputok ng Mt. Pinatubo.

Nagpiyesta ang mga corrupt noon sa P10 bilyong pondo at hindi natapos ang proyekto.

May mga natapos naman pero marami ang bahaging marurupok na nangangailangan ng repair na pinagpiyestahan pa rin ng mga corrupt.

Maalaala natin, mga Bro, na may mga kumita nga riyan ng milyones sa pagbili lamang ng sako para sa mga sandbag.

At naanod din ang mga ito sa pagdating ng mga baha makaraan.

Sana hindi na maulit ang matinding nakawan sa P8 bilyong pondong yan.

UZI TEXT

Text ng mga UZIserong buwisit na sa sistema.

JAYWALKING GINAWANG RAKET

Gud pm po! Nais naming maiparating sa taong bayan na yung jaywalking dito sa Lungsod ng Marikina City ay ginawa nang raket. Kasi dati ay makikita ninyo ang kaha baan ng Shoe Avenue na may harang sa gitna. Ngayon ay inalis nila para nga naman pag may tumawid may P100 agad na multa. Kawawa naman ang mga mahihirap.

Pambili na lang ng bigas sapilitan mo pang ibabayad sa mga raketista. +63915618….

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply