Bayaang umusbong ang kapayapaan

NAKAGAGALIT at nakapanlulumo ang pagkamatay ng 19 at pagkakasugat ng 12 sundalo matapos salakayin ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Al Barka, Basilan noong Miyerkules.

Sa kabila ng mga panawagang maglunsad ang pamahalaan ng “all out war’’ laban sa mga rebeldeng MILF, pinigilan ng Pangulong Benigno Aquino III ang military na magsimula ng giyera at tugisin at pana-gutin sa batas ang may mga kinalaman sa masaker sa Al Barka.

Sa ganang akin hindi angkop na magtaguyod ng solusyong militar sa problemang

pangkabuhayan at isyung pampulitika o pang-idolohiya na tulad ng hinihinging pagsasarili o awtonomiya ng mga Moro.

Dahil sa ang kanilang ipinaglalaban ay isang idea dapat lamang na idea rin ang ipanlaban dito ng pamahalaan, hindi mga sandatang pangwasak at panlipol ng lahi.

Maalalang natalo sa giyera ang US sa Biyetnam nang maglunsad  ito ng allout war laban sa ideya ng komunismo, bagay na hindi tinatablan ng bala, kundi ng mas superior na ideya.

Sa maiinit ang ulo at emosyonal tamang solusyon ang “all-out war” sa

problema sa Mindanaw.

Subalit patayin man ng pamahalaan ang lahat ng mga rebeldeng Moro, uusbong at uusbong na muli mula sa kanilang lahi ang adhikain nila na makapagsarili, lumaya at magkaroon ng sariling bansa.

Ang isang kasunduang katanggap-tanggap sa magkabilang panig na hindi mabibiyak ang bansang Pilipinas ang layunin ng kasalukuyang prosesong pangkapayaan sa Katimugang Pilipinas.

Bilang Presidente ng Pilipinas ang Pangulong Aquino lamang ang nakababatid ng mga pangyayari at katotohanan na nasa ilalim ng kanyang paghawak mula sa intelligence report ng Armed Forces of the Philippines, MILF, mga negosyador na pangkapayapaan at sa mga lider na lokal at mga mamamayan ng Mindanao mismo.

Sang-ayon ako na bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan na umusbong at mamulaklak sa Lupain ng Pangako na ang mga Moro at Kristiyano ay mamumuhay nang nagkakasundo.

Magtiwala nawa tayo sa mga lider ng bansa at ng pamahalaan na ating iniluklok sa tungkulin.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply