Beatification ng obispo isusulong ni Cardinal Rosales

SA SANDALING tuluyan nang makapagretiro, isa sa isusulong at pagtutuunan ng pansin ni outgoing Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales ang beatification ng isang obispong Pinoy.

Nais ni Rosales na mas maraming Pilipino ang makabatid ng naging buhay ng yumaong si dating Lucena Bishop Alfredo Obviar.

Kasalukuyan na umanong nasa proseso ng evaluation si Obviar sa Vatican para sa posibleng beatification nito.

Ayon kay Rosales, plano rin niyang sumulat ng libro tungkol sa naging buhay ni Obviar na idineklarang Servant of God noong 2001.

Nabatid na si Obviar ay tubong Batangas at Founder ng Missionary Catechist of St. Therese of the Child Jesus.

Malaki umano ang posibilidad na ito ang maging kauna-unahang Filipino priest-saint.

Si Obviar ay sumakabilang buhay noong Oktubre 1, 1978 at sinasabing nakagawa na ng ilang himala.

Nabatid na si Obviar ang personal na nagkaloob ng “staff” kay Rosales noong 1974 na siyang tanging “staff” na ginamit ng cardinal.

Aniya, hindi niya alam kung bakit siya ang napiling bigyan ng “staff” ng obispo, ngunit laking pasasalamat aniya rito.

“Since 1974, I never used any staff except this one,” anang Cardinal. “That’s really precious to me. When I’m sick, I even put it near my chest for me to get well.”

Bilang parangal kay Obviar, itinatag ni Rosales noong Disyembre ang Bishop Alfredo Ma. Obviar Foundation, Inc., na may layuning isulong ang “cause of the beatification” at “canonization” ng obispo.

Ang foundation rin ang mangangalap, magbeberipika, maghahanda at magpiprisinta ng mga testimonya at mga dokumento para sa diocesan at canonical investigations. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply