‘Bedtime blues’ ng mga bagets

ISA sa problema, well hindi naman talaga problema ng mga magulang lalo na ni mommy ay ang tinatawag na “bed time blues” ng mga tsikiting tuwing gabi.

Minsan nga ay umaabot ng hanggang anong oras ang “pilitan” na kung minsan ay umaabot sa pagkapikon ng mga magulang sa kanilang anak dahil lahat na ata ng maidadahilan ay idinalhilan na ng mga anak.

Kahit anong pakiusap mo at pananakot mo ay ayaw pa ring matulog ng mga bagets. Gising na gising pa ang kanilag sistema. Siyempre, oras na ng pagtulog kaya kailangang mapilit ang mga tsikiting na matulog, by hook or by crook ika nga (hehehehe).

Bago pa man mauwi sa struggle at maging kulay pula ang mukha ng mga magulang ay kailangang makaisip ka na ng paraan para matulog sila sa oras.

Sa maagang edad, dapat na nakasanayan na nila na matulog ng maaga. Halimbawa, ang mga batang edad tatlo hanggang pito dapat pagpasok ng alas-otso ng gabi ay tulog na sila. Pinaka-late na ang alas-nuebe ng gabi. Pero siyempre mas mainam yung una. Para naman sa mga edad walo hanggang 10 ay tulog na ng alas-nuebe. Late na late na ang alas-diyes para sa kanila.

Kung makasasanayan nila ang pagtulog sa mga oras na ito, ay natural na ang katawan na nila ang masasanay. Tila automatic na hihilahin sila ng kanilag higaan para matulog.

Pero siyempre maraming paraan para agad na makatulog ang mga bagets. At iyan ang dapat na gawin ng mga mommy at daddy. Alamin ang dahilan kung bakit hindi makatulog agad ang mga bagets.

Maaaring may kinalaman ang kanyang higaan o kaya ay kasuotan. Para makatulog ng mahimbing gawin at tiyakin ang mga sumusunod:

1. Tiyaking nakapaglinis ng katawan ang mga bata. Dapat nakapag-sipilyo na sila ng ngipin, nakapaghugas ng paa. Ang isang maiksing sponge bath ay makatutulong para magkaroon ng preskong pakiramdam hanggang sa makatulog.

2. Siguraduhing malinis ang higaan. Dapat na nalinis na ni mommy o ni daddy ang kanilang higaan. Kung madumi na ang mga punda ng unan ay agad na palitan ito. Gayundin ang kumot at cover ng kama o kutson.

3. Dapat na well ventilated ang silid at hindi masikip na parang walag hangin. Masikip man ang kwarto ng anak ay dapat na tiyakin na maayos ang bentilasyon nito. Iwasan ang mga nakasabit na damit. Itago sa proper places ang mga gamit at iwasan ang kalat para presko sa kwarto.

Kung kaya ng budget, bakit hindi subukang mag-aircon. Gamitin lamang ito kung mainit ang panaho. Pwede ring palamigin muna ang kwarto tapos patayin na ang aircon.

4. Magkaroon ng maiksing physical bonding time gaya ng games isang oras pagkatapos kumain ng hapunan at bago maglinis ng katawan ang mga bagets. Sa ganitong paraan ay medyo mapapagod ang katawan ng mga bagets. Tiyakin lamang na mag-eenjoy sila. Kapag medyo pagod na sila ay tiyak na makatutulog sila.

Araw-araw mag-isip ng group games para malibang sila at mapagod. Kapag hindi sila pagod, yan ang isa sa dahilan kung bakit hindi pa sila inaantok.

5. Huwag silang sanaying manood ng TV. Naku tiyak na mawiwili silang manood ng mga plabas lalo na cartoons sa mga cable channels. Hay tssk tsk tsk.. Kayo din mommy at daddy ang mahihirapan. Pare-pareho kayong male-late kinabukasan, kayo (magulang) sa trabaho sila (anak) sa school.

Iwasan na maglagay ng TV sa kwarto ng mga anak. Hindi pa ito angkop sa kanilang edad. Bukod sa magastos sa kuryente, hindi magkakaroon ng good sleeping habit ang mga bata. At kalalakihan nila ang pagpupuyat na hindi maganda sa kalusugan.

6. Bed time story. Ang mga “little ones” ay mainam na basahan ng mga pambatang kwento. Laging isama sa kwento ag kabutihan ng pagtulog. Halimbawa, ikwento na maututulog na ang bida sa istorya at sabihin na ito ay may mabuting dulot. Sa ganitong way ay maeengganyo silang matulog. Malay mo habang nagkwekwento ka ay makatulog na ang iyong little prince at princess.

7. Laging may comfort zone ang mga bata kahit sa pagtulog. Kung nais niya na yakapin ang isang manika ay hayaan ito. Kung di maiiwasan ang thumb sucking ay siguraduhin lamang na malinis ang mga kamay ng anak. Pero mas maganda na walang ganitong gawain ang anak. Mahirap din kasi yun at baka madala hanggang paglaki.

8. Maligamgam na gatas. Mabuti ang maligamgam na gatas bago matulog. Maliban sa may mabuting dulot ang gatas sa katawan ay may sangkap pa ito na nagpapaantok sa tao.

Lahat ng nabanggti sa itaas ay ilan lamang sa mga paraan para mapatulog ang mga bata sa oras. Alam naman ng lahat kung ano ang buting idinudulot ng maagang pagtulog sa katawan at isipan ng tao at wala namang debate tungkol sa bagay na ito. Bilang magulang ay dapat na tumuklas ng mga bagay na makatutulong para lumaking malusog ang mga anak kasama na dito ang pagtulog.

Mag-isip ng mga paraan para mapasunod ang mga anak upang maiwasan ang bed time blues. Pinakamabisang susi dito, ang makasanayan nila at makalakihan ang pagtulog sa tamang oras.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply